PANGANGASIWA SA MGA UTILITY, KANINO DAPAT?

SA GANANG AKIN

Ang opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan ay nagbigay ng pag-asa na maiibsan nito ang lumalalang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam. Inaasahan ding matutugunan nito ang lumalalang kakulangan sa supply ng tubig sa bansa.

Hindi lamang supply ng tubig ang kulang kundi pati ang reserba ng kuryente sa bansa ay nagkukulang na rin. Patunay nito ay pag-aanunsyo ng mga yellow at red alert ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bunsod ng manipis na reserba ng kuryente. Nagresulta rin ito sa pagpapatupad ng rotational brownout sa ilang lugar sa Luzon.

Kulang ang supply ng tubig. Kulang din ang supply ng kuryente. Kailangan natin ng karagdagang imbakan ng tubig at karagdagang planta ng kuryente upang matustusan ang patuloy na lumalaking demand sa kuryente sa bansa.

Ang isyung ito ukol sa kakulangan ng supply ay tila ba sinasakyan at pinalalaki ng ilang mga makakaliwang mga popyulista at organisasyon. Sinasabi nila na mas mainam kung ibalik sa gobyerno ang pangangasiwa sa operasyon ng mga utility ng tubig at ng kuryente.

Ang sinumang nagsasabi na mas mainam kung ibabalik sa gobyerno ang pangangasiwa sa operas-yon ng supply ng tubig at ng kuryente ay malinaw na hindi naiintindihan ang mga maaaring maging implikasyon nito sa ating lahat.

Kung ibibigay sa gobyerno ang pangangasiwa sa operasyon ng mga ito, mawawala ang kompetisyon sa merkado. Ang kompetisyon sa merkado sa pagitan ng mga pribadong kompanya ang nagtutulak sa mga ito upang patuloy na paghusayan at pagbutihin ang kalidad ng serbisyo at ng produkto.

Isang halimbawa ay ang nangyaring pagbabago sa serbisyo ng tubig matapos itong maisapribado noong 1997. Bukod sa pagbaba ng system loss nito sa 12%, karamihan sa mga residente ng Metro Manila ay may supply ng tubig sa loob ng isang buong araw. Samantalang noong ito ay nasa ilalim pa ng pangangasiwa ng MWSS, nasa 26% lamang ng mga residente sa Metro Manila ang may supply ng kuryente sa isang buong araw. Ang system loss din ay napakataas na nasa humigit kumulang 63% ng kabuuang produksyon ng tubig.

Kung gobyerno ang mangangasiwa sa operasyon ng mga utility ng kuryente at ng tubig, malaki ang posibilidad na hindi na gaganda ang serbisyo dahil wala namang magtutulak sa gobyerno na pagandahin o pagbutihin ang kanilang operasyon, produkto, at serbisyo. Ang kompetisyon sa merkado ang dahilan kung bakit patuloy ang pagganda ng serbisyo ng mga kompanya sa kani-kanilang mga customer. Tayong mga konsyumer ang nakikinabang dito. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

81

Related posts

Leave a Comment