(IKALAWANG BAHAGI)
Maliban sa pagiging parehong duyan ng buhay, kalinga at pagmamahal, mayroon pang ibang mukha ang ugnayan at paralelismo ng babae at Inang Kalikasan. Mayroong madilim at masaklap ang anyo ng pagkakapareho na ito.
Kung gaano man kalapit ang dating ugnayan ng babae at kalikasan, siya naman kalayo na ang naging agwat ng kalikasan sa mga tao sa pangkalahatan. Ito ay nagsimula noong nagbago ang pananaw ng tao (na ang tinutukoy ay lalaki) sa mismong babae at kalikasan.
Dati tinitingnan natin ang kalikasan bilang isang buhay din na organismo gaya ng tao na karapat-dapat pagtuunan ng paggalang at pangangalaga. Dahil alam natin na ang buhay natin ay nakarugtong sa buhay niya.
Ngunit nang mag-iba ang mga sistema sa daigdig na kung saan naghari ang kaisipang ang lahat ng bagay ay nasa dominasyon ng tao (lalaki), naging isa na lang bagay ang kalikasan na pwedeng bungkalin, minahin, taniman ng malawakan upang pagpasasaan ng limpak-limpak na tubo. Gamitin hanggang may pakinabang. At naging walang pakundangan ang paggamit o pag-abuso sa kalikasan.
Ang resulta, nalason ang mga ilog, naubos ang mga yamang-dagat, nakalbo o nawarak ang mga bundok, nasalaula ang mga gubat. Patuloy na dinudutdot ang mga lupa para sairin ang mga natitira pang langis o mineral.
Halos ganoon din ang naging kapalaran ng kababaihan. Kung kinakailangan, miminahin ng katawan niya ng mga anak, o kung hindi naman ay tatakpan ang bahay-bata niya kung sa tingin ay ‘di kailangan siyang manganak.
Kung ‘di man nakatuon sa bahay-bata niya, ang babae naman ay pinipresyohan batay sa kinis o kulay ng balat o hubog ng katawan niya. Pasasayawin siya at sisipulan sa bawat indayog ng balakang habang ibinebenta ang mga produktong iniendorso niya. Kung ‘di pa magkasya, sisibasibin ang katawan niya bilang tanggal-pagod ng mga taong tagapagtaguyod kuno ng produksiyon.
Kung sinasabing minamahal naman siya bilang isang maselang tropeo, idi-display siya bilang palamuti sa ego. O kaya’y ilalagay siya sa tamang lugar niya sa tahanan para gumampan sa dinisenyong papel niya sa buhay bilang isang ulirang asawa at ina. Subukan ng babaeng lumagpas sa linya at matitikman niya ang lupit ng ‘di pagsunod.
Ganunpaman, pinapakita ng kasaysayan na pag ‘di na kinaya pang tiisin ang mga hagupit, ang babae at kalikasan ay may kakayahan ding umalma at bumalikwas. Umusbong at lumakas ang mapagpalayang kilusang kababaihan. Ang Inang Kalikasan naman ay matagal nang nag-aalburuto at patuloy nating nararamdaman ang maladelubyo niyang pagtangis. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
221