PASASALAMAT SA OFW SA JULY 12 TULOY NA TULOY NA

AKO OFW

Matapos ang ilan ulit na pagbabago ng petsa para sa pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat sa OFW, ay inanunsyo na ni Duterte Die-hard supporter (DDS) Global Chairperson Gemma Sotto na tuloy na tuloy na itong gaganapin sa July 12, sa AFP Stadium sa loob mismo ng Camp Aguinaldo sa Que­zon City.

Bukod sa mga OFW at mga retirado o dating OFW, ay iniimbitahan din ang lahat ng mga kapamilya ng OFWs. Libre ang entrance para sa lahat ng dadalo.

Inaasahan din ang pagdalo ng mga opisyal ng DFA, DOLE, OWWA at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang pagdiriwang ay ini­syatibo ng DDS Global at sa suporta ng Philippine National Police Global Police Community Relations (PNP-GPCR) sa pamumuno ni PB/Gen. Rhodel O. Sermonia at ng mga pinuno ng lahat ng OFW Community groups.

Ang PNP-GPCR ay na­ging aktibo sa pag-iikot sa ibang bansa upang iparating sa OFWs ang mga bagong programa at serbisyo ng PNP para sa OFWs at pamilya ng mga ito.

Naging napaka-epektibo ng programang ito ng PNP-GPCR dahil kamakailan lamang ay isang OFW mula sa Saudi Arabia ang hu­mingi ng tulong sa akin dahil sa pagtangay diumano sa kanyang anak ng kanyang dating asawa. Lubhang naapektuhan sa pagtatrabaho sa Saudi ang ating kabayani dahil sa labis na pag-iisip sa kalagayan ng kanyang anak.

Noong nakarating sa akin ang kanyang sumbong ay agad kong ipinadala sa opisina ni P/Gen, Sermonia ang sitwasyon na agad na nag-utos sa PNP Station Commander upang puntahan ang tahanan ng asawa ng OFW at siguruhin na nasa mabuting kalagayan ang bata.

At nito lamang nakaraang Huwebes ay nag-guest ako sa Aksyon Bantay OFW sa DZRH TV ni Flo­rante Rosales, at nabanggit ng ating kabayani na nagkausap na sila ng kanyang anak at ng kanyang dating asawa. Ilan lamang ito sa mabubuting dulot ng programa ng PNP-GPCR.

Sa gaganaping programa sa July 12 na mula 8am-7pm ay maraming papremyo ang maaring mapanalunan ng OFWs at mga retiradong OFWs. Kabilang na rito ang house and lot, motorcycles, TESDA scholarship at marami pang iba. May One-Stop service din na ipagkakaloob ng DFA, TESDA, DOLE at PNP. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

163

Related posts

Leave a Comment