PATULOY ANG PANGGAGAHASA

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

NAKATATAKOT na ang mga iniiwang pinsala ng bawat bagyong tumatama sa Pilipinas. Maraming namamatay dahil sa malakas na hangin, matagal na buhos ng grabeng ulan na nagreresulta ng mga biglaang pagbaha, landslides, at iba pang porma ng kalamidad bunga ng nagngangalit na kalikasan.

Sambit ngang babala ng isa kong kaibigan: “Gumaganti na ang ating Inang Kalikasan sa walang habas na paglapastangan sa kanya ng tao at patuloy na panggagahasa sa ating kapaligiran”.

May premonisyon na nito ang ASIN sa liriko ng kanilang popular na kanta: “Lahat ng bagay na narito sa lupa; Biyayang galing sa Diyos kahit nung ika’y wala pa; Ingatan natin at ‘wag nang sirain pa; ‘Pagkat ‘pag Kanyang binawi, tayo’y mawawala na.”

##########

Kahit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong aerial inspection niya matapos ang bagyong Enteng, ay napansin din ang malawakang pagkawasak ng kapaligiran lalo na sa mga kabundukan resulta ng ilegal na pagputol ng mga puno ng mga sindikato ng illegal loggers na gumagahasa sa bulubundukin ng Sierra Madre.

“Daming namamatay dahil sa ginagawa nila,” ang pahayag ni G. Marcos na patungkol sa mga naging biktima ng landslides at pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan ng Rizal at Metro Manila.

Ang Sierra Madre ay naglalaman ng pinakamalaking natitirang bahagi ng matatandang tropikal na kagubatan sa Pilipinas. Ito ay sumasaklaw sa hilagang-silangang baybayin ng Luzon mula sa lalawigan ng Cagayan sa hilaga hanggang sa lalawigan ng Quezon sa timog.

Ngunit dahil sa kasakiman ng tao sa pera, kinakalbo ang Sierra Madre sa patuloy na illegal logging at pagmimina sa paanan nito.

##########

Ang masakit nito, ganito na nga ang kalagayan ng ating Inang Kalikasan, wala ring habas ang pandarahas at pagpatay sa hanay ng mga nagtatanggol at lumalaban upang proteksyunan ang likas na kapaligiran.

Batay sa pinakahuling ulat ng Global Witness, muling itinuring ang Pilipinas, sa loob ng 11 sunod-sunod na taon, bilang pinaka-mapanganib na bansa sa Asia para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na bilang ng mga napatay na aktibistang pangkalikasan sa buong kontinente mula 2012 hanggang 2023.

Nitong nakaraang taon ay 17 tagapagtanggol ng karapatan sa lupa at kalikasan ang pinaslang sa Pilipinas.

ASIN: “Mayro’n lang akong hinihiling; Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan; Gitara ko ay aking dadalhin; Upang sa ulap na lang tayo magkantahan.”

##########

At sa gitna ng ganitong sitwasyon sa bansa na kabi-kabila ang malagim na patayan at kalamidad sa paligid, ang mga opisyales naman ng gobyerno ay walang inaatupag kung hindi ang magbangayan sa pagsusulong ng kanilang pansariling badyet upang mas marami silang madekwat sa kaban ng yaman ng taong-bayan.

Nitong Lunes, nagsimula na ang Kongreso na busisiin ang panukalang P6.352-trillion 2025 national budget. Patuloy na lumalaki ang taunang badyet. Noong 2024 ay P5.768-trillion at P5.268-trillion lamang noong 2023.

Maraming datos ang technocrats sa pamahalaan – nangangapa naman ang kukote ni Mamang Juan at Aleng Maria kung paano ito uunawain – upang idipensa ang paglobo ng badyet.

Bagama’t may iisang matingkad na layunin ang malaking badyet – ang paunlarin daw ang bansa upang solusyunan at wakasan ang kahirapan ng mamamayan. Gasgas na ang ganitong mga ka-ek-ekan upang ikubli ang patuloy na panggagahasa sa pondo ng pamahalaan. Dahil sa paglipas ng mga taon ay lalong bumabaon sa kahirapan ang sambayanang Pilipino habang nagtatampisaw sa karangyaan ang iilan doon sa ibabaw ng tatsulok kasama na ang mga korap na opisyales ng gobyerno.

Kaya mo pa ba, Juan de la Cruz?

##########

Sept. 16. Nagsimula na ang 100 days Christmas countdown. Ikaw, nararamdaman mo ba ang nalalapit na kapaskuhan?

75

Related posts

Leave a Comment