PATUNGO SA PAGKAKAROON NG TAMANG POWER MIX PARA SA PILIPINAS

Sa Ganang Akin

CAIRO, Egypt – Sa tuwing ako’y bumibisita sa ibang lugar, ako’y nagkakaroon ng maraming oras at panahon upang magnilay-nilay na kadalasan nagreresulta sa pagkakaroon ng mas malaking pagpapahalaga sa iba’t ibang aspeto ng aking buhay gaya ng aking propesyon sa industriya ng kuryente.

Sa isang artikulong akda ni Mohammed El-Said sa Daily News Egypt, sa kabila ng panawagan sa buong mundo na bawasan ang paggamit ng coal, patuloy ang pamumuhunan ng Egypt sa mga proyektong coal-based. Sa katunayan, sa 2020 at 2030, tinatayang aabot sa 10,000 Terawatt-hour (TWh) ang kabuuang paggamit ng coal ng bansa. Ito ay hindi tugma sa Paris Agreement Benchmark. Ang nabanggit na agreement ay bahagi ng inisyatiba ng United Nations na naglalayong mapababa ang paggamit ng coal bilang pinagkukuhanan ng kuryente ng mga bansa kabilang ang Egypt. Ayon sa datos, tinatayang sa 2040 pa magsisimulang makita ang pagbaba sa pangangailangan ng coal sa bansa. Mula sa 10,000 TWh ay bababa ito sa 7,500 TWh sa 2040 at 5,000 TWh sa 2050.

Sa pagsusuri ng papel ng coal sa rehiyon ng Timog Silangang Asya, napag-alaman ko na ang coal ay malaking bahagi pala ng power mix sa kabila ng hakbang na ginagawa ng bawat bansa rito patungo sa pagkakaroon ng mas malinis na kuryente.

Sa kabila ng panawagan na bawasan at ihinto ang paggamit ng coal, hindi ito magiging madali. Para sa Pilipinas, tayo ay kasalukuyang nasa panahon ng pagbabago sa industriya ng kuryente. Hindi magiging madali ang paghinto sa paggamit ng coal dahil ito ay mura at madaling makuha kaya’t ‘di hamak na mas malaki ang kapasidad na kaya nitong ipasok sa grid.

Ako’y nakasisiguro na tayo ay nasa tamang landas. Ako’y patuloy na naniniwala na darating ang panahon na makakamtan ng Pilipinas ang perpektong power mix. Ang mahalaga ay ang masigurong mayroon tayong sapat na supply ng kuryente sa bansa pagdating ng mga susunod na taon upang patuloy na masuportahan ang mga inisyatiba ng ating gobyerno na siyang magdadala sa ating ekonomiya sa rurok ng pag-unlad nito. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

304

Related posts

Leave a Comment