PAULIT-ULIT NA LANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAKAKATAKOT ang posibilidad na tumindi pa ang culture of impunity sa sektor ng kabataan kung kapos ang implementasyon ng Anti-Hazing Law.

Ang pagkamatay ng estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig ay hindi nangangahulugan na tapos na ang karahasan at peligro sa pagpasok sa isang fraternity.

Paulit-ulit na lang. Sa tuwing may nasasawing recruit umiinit ang usapin hinggil sa mga fraternity at sorority pero kasabay ng paghupa ng isyu ay nawawala na rin ang pagtutok ng mga awtoridad at interes ng publiko na subaybayan upang hindi na sana masundan pa ang mga kahalintulad na karahasan.

Kahit nagkaroon ng Anti-Hazing Law mula noong 1995, hindi nito napigilan ang ibang fraternity at grupo na maging marahas ang initiation na nagreresulta sa pagkamatay ng ilang recruit.

Ang Anti-Hazing Act of 1995 o Republic Act No. 8049, ay namamahala at nag-aayos ng akto ng hazing at iba pang seremonya ng initiation ng fraternities at sororities sa bansa. Ipinagbabawal at pinarurusahan nito ang pananakit at karahasan sa nasabing gawain.

Inamyendahan ng RA 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ang RA 8049 at binigyan ng ngipin ang 1995 na bersyon. Ginawa nitong krimen ang hazing at nagbigay ng matibay na parusa sa napatunayang nagkasala.

Pero ang pagkamatay ni Salilig ay ika-12 na sapul noong 2018, nang amyendahan ng RA 11053 ang RA 8049, nangangahulugan na hindi pa rin epektibo ang batas. Mapurol pa raw ang ibinigay na ngipin na hindi makangatngat ng mga nagkasala.

Nakapagtala ang Philippine National Police ng kabuuang 178 insidente ng hazing sa bansa mula 2012. Mataas ang bilang at nangangahulugan na walang pakundangan ang nagsasagawa ng hazing sa itinakda ng batas.

Walang nagagawa ang batas upang pigilan ang karahasan at kamatayan sa hazing?

Ilan pa bang ngipin ang idaragdag upang matakot at masupil ang hindi makataong gawain sa hanay ng ilang fraternity?

Ang hazing at ibang Fraternity-Related Violence (FRVs) ay kritikal at dapat bigyan ng agarang aksyon kahit may batas na nagbabawal sa mga marahas na aktibidad.

Nakakikilabot ang insidente ng karahasan na nauuwi sa kamatayan at trahedya kaya kailangan ang sama-sama at tulong-tulong na mga paraan upang tuluyan nang wakasan ang mapanganib na kinaugalian.

Ano ang silbi ng kapatiran kung sakitan at karahasan ang mangyayari?

O iba ang persepsyon nila sa tema ng kapatiran at pagsubok sa katapatan ng recruit?

Siguro panahon nang papanagutin ang mismong fraternity na namatayan ng recruit. Sa ngayon kasi, ‘yung mga kapwa estudyante at mga taong direktang sangkot sa marahas na initiation lang ang pinapanagot.

Kaya naman muling nakapagre-recruit ang frat, may initiation muli at naroon pa rin ang peligro na may mamatay, may mga magulang pa ring magdurusa sa pagkawala ng kanilang anak.

Nananawagan ang iba’t ibang institusyon, grupo at sektor ng istriktong implementasyon ng Republic Act 8049 or the Anti-Hazing Law. Kaso baka sa tengang kawali dumiretso ang tinig ng panawagan.

Nasa kamay ng mga mambabatas ang paraan para wakasan ang hazing. Ang batas ay hindi agarang tutuldok dito ngunit ito ay daan para maputol at magwakas ang kakila-kilabot na hazing.

Ito ay kung totoo ang inuulit-ulit lamang na mga talumpati, pahayag, pakikiramay at pagkondena ng mga nakapwesto.

 

78

Related posts

Leave a Comment