PHIL. NAVY MEMBERS NA NAKAHARAP NG CCG DAPAT PAPURIHAN

At Your Service Ni Ka Francis

DAPAT lang bigyan ng papuri ang 80 sundalo na nakibahagi sa misyon ng RORE noong nakaraang Hunyo 17, kung saan isang service member ng Philippine Navy na nakilalang si Seaman First Class Underwater Operator Jeffrey Facundo, ang malubhang nasugatan at anim na iba pang Navy men ang nasaktan dahil sa kagagawan ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea kamakailan.

Si Facundo, kasama ng 79 iba pang mga sundalo ng Phil. Navy ay nakibahagi sa misyon ng RORE para sa mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal (West Philippine Sea), ngunit hinarang ng mga miyembro ng CCG.

Kitang-kitang sa lumabas na mga video sa social media, kung paano binangga, pinagsasaksak ang rubber boat ng Philippine Navy ng mga miyembro ng CCG.

Pinagduduro habang sinisigawan ng may mga patalim at palakol na mga miyembro ng CCG, ang mga sundalong Pinoy.

Bagama’t ikinaputol ng hinlalaki ni Facundo at ikinasugat ng anim na iba pa ang pangyayari, hindi pa rin nakitaan ng pagganti ang mga sundalo natin sa galit na galit na mga tauhan ng CCG.

Hindi pa nakuntento ang mga tauhan ng CCG sa kanilang mga ginawa sa ating mga sundalo, kinuha pa ng mga ito ang mga baril na nakatago ng Philippine Navy.

Kitang-kita rin sa video na sinungkit ng isa sa miyembro ng CCG ang bag mula sa sasakyang pandagat ng Philippine Navy.

Hindi karuwagan ang ipinakita ng ating mga sundalo na pagpapasensiya sa ginawa sa kanila ng mga miyembro ng CCG.

Sa halip ito ay nagpapakita kung gaano ka-propesyunal ang ating mga sundalo.

Nagmistula tuloy mga pirata ang mga miyembro ng CCG sa kanilang ginawang pagharang, pagsampa at pagkuha ng mga armas at iba pang kagamitan ng Philippine Navy.

Dahil dito, umani ng papuri ang 80 sundalo natin sa pangunguna ni Facundo, mula sa international community.

Pagdating naman sa kakayanan ng ating mga sundalo ay hindi tayo pahuhuli sa mauunlad na mga bansa, kulang lamang tayo sa mga high tech na armas.

Tama ang kanilang ginawa na hindi sila gumanti kung anoman ang masamang ginawa sa kanila ng mga miyembro ng CCG.

Kailangan nating maging mahinahon at hindi pumatol sa mga pag-uudyok ng away upang maiwasan natin na humantong sa mas malaking problema.

Kaya pinupuri po natin ang magigiting nating mga sundalo, mabuhay po kayo at pagpalain po tayo ni Lord.

Darating ang panahon na malilinawan din ng China, sa kabila ng kanilang mga ginagawa sa mga Pilipino ay hindi pa rin natin sila ginagantihan ng masama.

28

Related posts

Leave a Comment