‘PI’ MO ROMUALDEZ

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAHIT anong tanggi ang gawin ni House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa kontrobersyal na People’s Initiative o PI, ay mahirap nang maniwala ang publiko.

Paano kasi, halos lahat ng daliri ay sa kanya nakaturo.

Mismong ang pinsan niyang si Senador Imee Marcos ay aminadong kampo ni Speaker ang nag-iikot para magpapirma.

Masaklap ay ginagamitan ng panunuhol ang pagpapapirma sa mga tao para sumang-ayon sa PI na ‘yan.

Ngayon naman ay si Senador Bato dela Rosa ang nagdiin kay Romualdez.

Bagaman hindi raw niya direktang nakita ang panunuhol para sa pagpirma sa dokumento na nagsusulong ng Charter change (Cha-cha) ay kumbinsido siya na si Romualdez ang nasa likod nito.

Batay raw ‘yan sa kanyang mga natatanggap na impormasyon mula sa aniya’y mababait na mga congressman sa Mindanao.

Biruin mo, inilaglag pa ng mismong kasamahan sa Kamara si Speaker!

Sa simula pa lang naman ay si Romualdez na talaga ang pinagdudahan na may kumpas kaya gumalaw ang Kongreso para mag-Cha-cha.

Hindi ba’t pinatutsadahan na rin siya noon ni Imee na gustong mag-Prime Minister dahil malabong maging presidente.

Mukhang ramdam ni Romualdez na wala siyang appeal sa masa. Walang star factor kumbaga kaya kahit kaliwa’t kanan ang pamamahagi niya ng ayuda at panay ang pabida sa mga usapin sa gobyerno ay nangungulelat siya sa survey.

Pansin n’yo rin ba? Ilang survey na ang inilabas mula noong huling bahagi ng taon pero laging nasa dulo ang pwesto ni Speaker.

Paano nga naman siya magpe-presidente kahit pa iendorso siya ni Pangulong Marcos Jr. kung hindi siya gusto ng nakararami?

Sa totoo lang, hindi nakatutulong kina Marcos at Romualdez ang Cha-cha. Lalo lang nilang ginagalit ang taumbayan kasi naman, tumitindi ang kahirapan. Tumaas nga ang bilang ng mga nagugutom tapos ang inaatupag ng gobyerno ay Cha-cha.

Kaya hindi masisisi ang mga tao kung sabihin na… PI mo Romualdez!

42

Related posts

Leave a Comment