PINAY NA BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITER, MISTULANG HOSTAGE SA RECRUITMENT FEE

AKO OFW

Sa inilabas na anunsiyo ni Consul General Paul Raymund Cortes ng Philippine Consulate sa Dubai sa kanyang Facebook account ay sinabi niya na simula noong Enero hanggang buwan ng Agosto 2019 ay 1,843 overseas Filipinos na ang napauwi sa Pilipinas na nagmula sa Shelter ng POLO-OWWA.

Siyamnapu’t siyam na porsiyento (99%) sa mga ito ay mga nagpunta sa Dubai bilang turista at doon naghanap ng kanilang trabaho sa pamamagitan ng illegal recruiters.

Lubhang nakababahala na ang paglobo ng bilang ng mga nabibiktima ng illegal recruiters.

Kamakailan ay tatlong Facebook account ang aking personal na sinita at kinausap upang ipaalam sa kanila na ang ginagawa nilang pagpapaskil ng mga job hiring sa Dubai ng kasambahay ay maitutu­ring na illegal recruitment.

Ngunit mas lalo akong nabahala sa nabasa kong sulat ni Balanie Nietes na kung saan ang kanyang kapatid na si Charina ay nagtungo sa Dubai sa tulong ng isang illegal recruiter. Mapait ang mga pinagdaanan ng kanyang kapatid sa kamay ng kanyang asawa kung kaya siya ay kapit sa patalim na nag-apply sa isang recruiter para lamang maiahon sa kahirapan ang kanyang mga anak.

Sobra-sobrang pagod sa trabaho ang dinanas ni Charina at idagdag pa ang mga pagmumura ng kanyang employer, kung kaya siya ay humantong sa ospital dahil sa pamamanhid ng kanyang katawan. Ngunit imbis na kaawaan ito ng kanyang recruiter na si Leogie Mingarine ay tinakot pa nito ang pamilya ni Charina at sila ay pinipi­lit na magbayad muna ng 150,000 bago niya pauwiin si Charina. At dahil wala namang sapat na pera ang pamilya, kinuha ni Mingarine ang titulo ng lupa ng pamilya ni Charina at maaari lamang maibalik kung magbabayad sila ng halagang 150,000 kapalit na pagpapauwi kay Charina.

Mistulang hino-hostage ni Mingarine si Charina, kung kaya ito ay agad kong idinulog kay DFA Undersecretary Sara Ysmael Arriola, upang masiguro na mabibigyan ng hustisya si Charina at ang kanyang pamilya. Sisiguruhin ng AKOOFW na sa pag-uwi ni Mingarine ay haharapin niya ang pataw ng batas sa kanyang iligal na ginagawa sa mga kap­wa Filipino. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

208

Related posts

Leave a Comment