POGO POLITICS TALAMAK SA QC? ROSE LIN MULING ININDYAN ANG QUADCOM

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TULAD ng dati, hindi na naman sinipot ni Rose Lin ang pagdinig ng House Quad Committee kaugnay ng mga karumal-dumal na krimen at maging korupsyon na idinulot ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at illegal drugs.

Pang-apat na itong hearing na hindi nagpakita si Lin sa Kongreso. Ang siste, habang dinededma niya ang patawag ng mga kongresista ay abala naman umano itong si Lin sa pangangampanya sa Quezon City.

Si Rose Lin ay tinatagurian ngayong Pharmally-POGO queen dahil sa pagkakasangkot ng kumpanya nilang mag-asawa sa dalawang kontrobersyal na operasyon. Bagaman, siyempre, itinatanggi nila ito.

Isa pang pinupuna sa kanya ngayon ay ang pagiging sinungaling. Sa kanya kasing pagdalo sa Quadcom ay tila nalito sa pagsagot itong si Rose Lin kaya sinabi na noong 2009 lang sila nagkakilala ng kanyang mister na si Weixiong Lin alyas Allan Lim na iniuugnay sa ilegal na droga. Ngunit may mga ebidensya na magpapatunay na kasinungalingan ito.

Himayin nga natin ang mga kasinungalingan na iyan.

Ang mister ni Rose Lin ay sangkot din sa malakihang drug bust ng mega shabu laboratory sa Cavite noong 2003, katunayan isa si Allan Lim sa mga nadakip at nakasuhan.

Pangalawang kasinungalingan ang sinabi ni Lin na isa lang ang kanilang pagmamay-aring POGO kasosyo ang asawa at si Michael Yang pero ayon sa mga dokumento na pirmado niya mismo, mahigit sa apat ang kanyang pinagkakasangkutan. Hindi pa kasama rito ang mga POGO sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kung saan ipinagamit nila ang kanilang lisensya para makapag-operate ang mga ito.

Pangatlo, itinanggi ni Rose Lin nang tanungin sa Quadcom kung mayroong nakabinbing criminal cases ang asawa niya hinggil sa pagkakadawit sa Pharmally. Malinaw na malinaw sa inilabas na resolution ng Ombudsman noong May 2024 na isa si Weixiong Lin sa mga kumubra ng 40-billion pesos na ipinambiili ng mga substandard na medical supplies noong panahon ng pandemya.

Pang-apat, pati lugar ng kanyang tirahan na nakalakip sa iba’t ibang dokumento ay ipinagsinungaling ni Rose Lin. Magkakaiba ang mga idineklara niyang address noong kasagsagan ng Senate inquiry sa Pharmally noong 2021 sa mga idineklara niyang address sa Quadcom sa kasalukuyan.

Pang-lima, hindi siya nauubusan ng palusot na mayroon siyang family personal emergency tuwing ipatatawag ng Quadcom pero aktibong-aktibo ito sa kanyang pangangampanya sa District 5, Quezon City para sa darating na halalan. Mismong mga residente nagsasabi niyan ha. Nagkalat na rin ang kanyang mga tarpaulin sa buong distrito.

Pang-anim, patuloy niyang itinatanggi na wala siyang kinalaman at ang kanyang mister sa POGO at illegal drugs kahit na sanib-pwersa na ang Senado, Kongreso, NBI, DOJ, PAOCC at iba pang ahensya ng ating gobyerno na nagsasabi at naglabas na ng sari-sariling matrix na kasama siya sa mga dapat managot sa mga salot na idinulot sa ating bansa.

Mukhang nagkakatotoo na ang babala ng PAOCC at ng Senado na gagawin ng mga mastermind ng POGO ang lahat upang makalusot at maibalik ang kanilang operasyon dito sa atin. Ang nakadidismaya rito, si Rose ang nag-iisang Pinoy na sentro ng lahat ng ito. Binabastos pa niya ang mga kapwa Pilipino at ang batas ng Pilipinas.

2

Related posts

Leave a Comment