PREMYONG MATAGAL IPINAGKAIT

PRO HAC VICE

HALOS dalawang dekada na rin ang nakalilipas sa paghahabol ni boxing le­gend Luisito Espinosa sa kanyang promoter upang makamit ang inaasam-asam na premyong kanyang pinagwagian sa labang buwis-buhay.

Sa wakas ay mapapakinabang na rin ng legendary boxer ang perang kanyang pinagpawisan makaraang atasan ng Korte Suprema ang pamilya ng boxing promoter na si Rodolfo Na­zario na bayaran ng mahigit US$130,000 si Espinosa.

Bukod sa halagang pinababayaran na bahagi ng prize money ni Espinosa, pinagbabayad din ng Kataas-taasang Hukuman ang mga tagapagmana ni Nazario ng anim na porsiyentong tubo bawat taon mula Mayo 26, 1998 (petsa kung kailan naghain si Espinosa ng kaso sa Manila RTC para makuha ang kabuuan ng kanyang premyo) hanggang sa kasalukuyan.

Ang hinahabol na ­premyong salapi ni Espinosa ay may kinalaman sa kanyang naipanalong laban kontra kay Carlos Rios ng Argentina na idinaos noong Disyembre 6, 1997.

Nakasaad sa resolusyon ng Supreme Court na may petsang November 13, 2019, ibinasura ng Supreme Court Third Division ang petisyon ng asawa at mga anak ni Nazario na pumanaw na noong September 24, 2009.

Umakyat sa Korte Suprema ang pamilya ni Na­zario para kwestyunin ang naunang ruling ng Court of Appeals noong 2017 na pabor sa monetary claim ni Espinosa.

Sa kontratang pinirmahan ni Espinosa para sa nasabing laban, siya ay babayaran ng US$150,000 bilang premyo at training expenses na US$10,000 subalit binayaran lang ang boksingero ng $29,651 ng promoter.

Ang prize money ay may kasamang guarantee letter na nakasaad na ang balanse ay ibibigay  kay Espinosa sa Disyembre 16, 1997.

Sa resolusyon ng Korte Suprema, binigyan nito ng bigat ang GL na pinirmahan ni Nazario, pati na ang kontratang pinirmahan nila ni Espinosa noong October 1997.

Dahil bigo si Rodolfo Nazario na itanggi “under oath” ang mga document na  mayroong “implied admission” ang panig nito hinggil sa “authenticity” ng kontrata at ng guarantee letter.

Mabuhay ang Korte Suprema!!! Tunay ngang sandigan ng mga mamamayan na naghahanap ng hustisya sa kanilang laban. (PRO HAC VICE / BERT MOZO)

171

Related posts

Leave a Comment