PROBLEMA NI DUTERTE NOON, PROBLEMA NI PBBM NGAYON

KAALAMAN ni Mike Rosario

ISA-ISAHIN po natin kung anu-anong mga problema ang iniwan ng nakaraang mga administrasyon na inani ni ex-Pres. Rodrigo Duterte at ngayon ay na inaani rin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Una ay ang problema sa mataas na presyo ng agri-products tulad ng bigas, asukal, asin, karne, isda at marami pang iba.

Bakit nagtaasan ang mga presyo nito? Dahilan nila ay ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Mataas daw ang kada litro ng mga produktong petrolyo dahil sa hindi pa matapos-tapos na labanan ng dalawang bansa.

Sa ganang akin, kahit na mag-ubusan pa ng lahi ang Russia at Ukraine kung ang nakaraang mga administrasyon ay hindi naging pabaya sa kanilang tungkulin at sinuportahan ang mga magsasakang Pinoy, malamang hindi natin masyadong iindahin ang epekto ng sigalot ng dalawang bansa.

Kahit na walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga produkto petrolyo kung marami tayong nakaimbak na mga pagkain, hindi magugutom ang ating mga kababayan.

Alam natin na halos lahat ng agri-products ay ginagamitan ng gasolina, pero kung may mga nakaimbak tayong mga pagkain para sa hapag hainan ay malamang hindi tayong masyadong apektado.

Napakalaking problema ng ating mga magsasaka na hindi sila maayudahan ng ating gobyerno.

Kabilang sa mga ito ay ang mataas na presyo ng mga pataba, binhi at iba pa nilang gastusin.

Kaya kadalasan sa kanila, ang maliit na lupa na kanilang pinagtataniman ay naibebenta nila dahil lugi sila.

Paano nga naman sila magpapatuloy na magtanim kung hindi sila kikita, natural maghahanap sila ng alternatibong pagkakakitaan para mabuhay nila ang kani-kanilang mga pamilya.

Pangalawang problema ay ang illegal drugs na ipinagwalang bahala ng nakaraang mga administrasyon, na ngayon lahat ng hanay ay pinasok na nito.

Mismong ang matataas na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kasalukuyang administrasyon ni PBBM, ay nakakaladkad na.

Sa isyu ng usapin ng pagkakahuli kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo, hindi biro ang 990 kg ng shabu na may katumbas na halagang P6.7 billion, na nakumpiska sa kanya.

Mula sa admin ni Duterte at ngayon kay PBBM, pawang matataas na mga opisyal ng PNP ang mga nababanggit na posibleng may kinalaman sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa bansa.

Nagpapatunay lamang iyan na ang mga administrasyon na nauna kina Duterte at PBMM, ay walang matibay na hakbang laban sa mga problemang ito.

175

Related posts

Leave a Comment