PROTEKTAHAN KALUSUGAN NG KABATAAN

EDITORIAL

NITONG Mayo 31, 2024, ipinagdiwang ang World No Tobacco Day, at kaisa ang Pilipinas sa pagtataguyod ng kaalaman sa masamang epekto ng paggamit ng tobacco at vape.

Ang kabataan ang pinakaapektado ng sigarilyo at vape, subalit hindi lubos na epektibo ang mga kampanya upang mahikayat ang mga kabataan na huwag nang manigarilyo.

Dumarami ang kabataan na gumagamit ng e-cigarettes at vaping products na pinaniniwalaan ng iba na ligtas na alternatibo sa paninigarilyo.

Ngunit may panawagan ang mga doktor at health advocates sa mga magulang at gobyerno na iligtas ang mga kabataan sa panganib ng e-cigarettes.

Babala ng Department of Health (DOH), ang vaping ay hindi lamang makasisira sa baga ng malusog na kabataan kundi magiging dahilan ito ng atake sa puso.

Binanggit ng DOH ang kaso ng 22-anyos na lalaki na walang sakit ngunit namatay sanhi ng atake sa puso dahil sa malalang kondisyon ng baga o e-cigarette or vaping-use-associated lung injury (EVALI).

Ayon sa mga eksperto, ang mga kemikal sa e-cigarettes ay maaaring makapinsala sa puso at baga, na humahantong sa mga kondisyon tulad ng heart attack and EVALI.

Ang kaso ay seryosong paalala na ang e-cigarettes at vape products ay hindi ligtas na pamalit ng paninigarilyo, ngunit dapat maging malawak at palalimin ng gobyerno ang pagtataguyod ng kaalaman sa panganib ng paninigarilyo at vaping sa kalusugan ng tao, partikular ang kabataan.

Kailangang ipaglaban ng DOH at ng mamamayan ang pag-amyenda ng vape bill, na nag-lapse at naging batas noong 2022. Ibinaba nito ang legal na edad para makabili ng vape mula 21 sa 18-anyos. Pinayagan din ang flavorings, patalastas, at sponsorship strategies ng mga produkto ng vape, habang ang vape regulation ay inilipat sa Department of Trade and Industry mula sa Food and Drugs Administration.

Maraming dahilan kaya naaakit ang mga kabataan sa e-cigarette at vape at habang hindi naglalahong parang bula ang mga dahilan ay hindi magtatagumpay ang hangaring mailayo ang mga kabataan sa bisyong ito.

Kakailanganin ang mahigpit na regulasyon sa mga mapanganib na produkto.

Makatulong kaya ang bagong alituntunin na kailangang irehistro sa DTI ang lahat ng produktong vape simula ngayong buwan?

Ang importasyon at paggawa ng vaporized nicotine, non-nicotine products at novel tobacco products ay kailangang dumaan sa DTI certification process. Sa madaling salita, ang mga produkto ay may Philippine Standard (PS) mark at Import Commodity Clearance (ICC) sticker bago ito maibenta sa merkado.

Proteksyon ng mga tao, lalo ng kabataan ang mahalaga. Kalusugan ang unahin, hindi ang kikitain ng negosyante at buwis ng gobyerno mula sa vaping.

50

Related posts

Leave a Comment