ITINURING ng Inquirer.net na “elaborate conspiracy” ang pagbira ni Senador Francis Pangilinan sa inihaing impeachment charges ng Filipino League of Advocates for Good Governance-Maharlika (FLAG-Maharlika) laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Mario Victor Leonen.
Ang demanda laban sa ”respondent” ng kaso ay paglabag sa ilang probisyon ng Saligang Batas.
Pokaragat na ‘yan!
Ganito ang bungad ng istorya ng Inquirer.net nitong Disyembre 9: “The impeachment case against… Leonen could be part of an elaborate conspiracy to boost former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.’s chances of winning his electoral protest against Vice President Leni Robredo”, ayon kay Pangilinan.
Sabi ni Pangilinan na: “It’s a corrupt, shamelessly opportunistic and insidious attempt to steal the position of Vice President [four] years after 2016 and after failing miserably to prove fraud”.
Hiniling pa ng pangulo ng Liberal Party (LP) sa Kamara de Representantes na huwag daw magsayang ng panahon ang mga kongresista dahil “the state of our economy being in shambles and the need to focus all our time, energy and attention on fixing this”.
Nakasaad sa istorya ng Inquirer.net na hindi ipinaliwanag ni Pangilinan kung bakit naging “elaborate conspiracy” ni Marcos ang inihaing impeachment ng FLAG-Maharlika laban kay Leonen.
Hindi man lang tinumbok ni Pangilinan kung sinu-sino ang kakutsaba ni Marcos sa inihaing impeachment ng FLAG-Maharlika.
Pulpol na ideya!
Kung hindi pulpol ang ideya at akusasyon ni Pangilinan, hindi ko alam kung ano ang tawag dito.
Baka alam ng sinumang henyo, o mas matalino, kay Pangilinan sa LP tulad nina Bise Presidente Maria Leonor Robredo at Senador Franklin Drilon ay mabuting magsalita upang maliwanagan ang publiko.
Kaya ko itinanong ito ay dahil hindi ipinaliwanag ng kagalang-galang na Senador ang “elaborate conspiracy” laban kay “respondent Associate Justice Leonen”.
Kaya, ang reporter na mismo ng Inquirer.net ang naglagay ng posibleng sagot sa naturang pulpol na akusasyon ni Pangilinan.
Kapag sinabing conspiracy, tiyak mayroong kasama at kasabwat.
Kaya, sinu-sino ngayon ang mga kasama at kasabwat ni Marcos upang mapatalsik si Associate Justice Leonen mula sa Korte Suprema?
Busisiin natin ang paksa.
Ang nagsampa ng kaso laban kay Leonen ay ang FLAG-Maharlika, sa pangunguna ng pangkalahatang kalihim nito na si Edwin Cordevilla.
Personal at matagal ko nang kakilala si Cordevilla.
Kahit kailan ay hindi ko nabalitaang konektado, o bataan, siya ni BBM.
Kaya, hindi ko alam kung saang parte ng daigdig na magiging magkasabwat sina Cordevilla at Marcos laban kay Leonen.
Ang abogado ni Cordevilla sa pagsasampa ng impeachment laban kay Leonen ay si Atty. Lorenzo “Larry” Gadon, kilalang tagasuporta ni BBM.
Hindi naman siguro masama na ang kinuhang abogado ni Cordevilla ay tagahanga at tagasuporta ni BBM.
Nakagawa ba ng krimen si Cordevilla sa pagkuha ng isang abogadong humanga sa isang Marcos?
Maituturing bang magkatuwang sina Cordevilla at Marcos laban kay Leonen dahil si Gadon ang kinuhang abogado ng opisyal ng FLAG-Maharlika?
Kung ganito ang lohika na gustong ipansaklolo ng Inquirer.net sa argumento ni Pangilinan, puwedeng akusahang magkakutsaba sina Adolf Hitler at Atty. Ferdinand Topacio laban kay Leonen kung kinuha ni Cordevilla na abogado si Topacio dahil “idolo” ng huli si Hitler.
Ang tumanggap at nag-endorso sa impeachment ay si Ilocos Norte Representative Angelo Marcos Barba, pinsan ni BBM.
Ang nanay ni Barba at si dating Pangulong Ferdinand Marcos na tatay ni BBM ay magkapatid, bagay na hindi itinanggi ni Barba.
Dahil ba sa magpinsan at magkadugo ang kongresistang kinontak ni Cordevilla upang siyang manguna sa Kamara de Representantes sa pagsulong ng impeachment laban kay Leonen ay mayroon nang ikinasang “elaborate conspiracy” si BBM?
Walang ganitong lohika.
Hindi ganito ang lohikang itinuro ko sa kolehiyo sa kursong “Logic” dahil hindi kailan man dahilan, o batayan, ng pagkakaroon ng ”conspiracy”, o kahit “elaborate conspiracy” ang pagiging magpinsan ng dalawa, o tatlong tao laban sa isang tao na opisyal ng organo ng pamahalaan.
Mayroon kasing magpinsan na nag-aaway at nagpapatayan.
Kahit nga magkapatid ay hindi batayan ng conspiracy sapagkat mayroon ding magkapatid na nag-aaway laban sa isa’t isa.
Dapat naglabas ng malinaw na ebidensya ang Inquirer.net upang patuyang wasto ang akusasyon ni Senador Pangilinan na naglunsad ng “elaborate conspiracy” si BBM laban kay Associate Justice
Leonen nang magsampa ng impeachment ang FLAG-Maharlika upang masabi ng milyun-milyong nagbabasa at tumatangkilik sa Inquirer.net na mayroong ‘kredebilidad’ ang nasabing media platform.
Dahil palpak ang akusasyon sa inilabas na balita ng Inquirer.net, tuloy dinagdagan nito ang paniniwalang tagapagtanggol ng LP, o Dilawang puwersa, ang Inquirer.
