PULSO NG BAYAN 2024, SALAMIN NG GALING NG MIMAROPA GOVERNORS

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA pagtatapos ng taong 2023, naglunsad ang Hyphothesis Philippines ng isang makabuluhang survey na naglalayong masuri ang job performance ng mga gobernador sa MIMAROPA (Mindoro [Occidental at Oriental], Marinduque, Romblon, at Palawan).

Ang resulta ng “Pulso ng Bayan 2024” ay nagdudulot ng pag-asa at inspirasyon sa ating mga kababayan sa buong rehiyon.

Ang nasabing survey ay isinagawa mula Disyembre 19, 2023, hanggang Enero 9, 2024, kung saan nakuha ang opinyon ng 10,000 respondents mula sa iba’t ibang panig ng MIMAROPA. Ipinakita ng resulta na mataas ang antas ng kasiyahan at pagtangkilik ng mamamayan sa kanilang mga gobernador.

Nanguna sa listahan si Gov. Presbitero Velasco, Jr. ng lalawigan ng Marinduque na umani ng 95.7% na job performance rating. Ang kanyang tagumpay ay nagpapakita ng matibay na liderato at serbisyong may puso na tinatamasa ng kanyang nasasakupan. Ang kanyang pagiging halimbawa ng integridad at dedikasyon ay nag-aangat sa antas ng pamumuno sa rehiyon.

Pumangalawa naman si Gov. Eduardo Gadiano ng lalawigan ng Occidental Mindoro na nakamit ang mataas na 91.5%. Isa itong patunay na ang mabuting pamamahala at pagbibigay-pansin sa pangangailangan ng mamamayan, ay nagbubunga ng positibong resulta. Ang pagkilala sa kanyang kakayahan ay naglalarawan ng bukas na pinto para sa mas matagumpay na kinabukasan ng kanyang lalawigan.

Sinundan ito ni Gov. Victorino Socrates ng lalawigan ng Palawan na umangkin ng 90.2% na job performance rating. Ang kanyang mabuting pamamahala ay nagpapakita ng kanyang kakayahang pangasiwaan nang may kakumpiyansa, isang lider na may malasakit sa kapakanan ng kanyang nasasakupan.

Ang Pulso ng Bayan 2024 ay hindi lamang isang simpleng survey, ito ay isang repleksyon ng boses ng mga Pilipino sa MIMAROPA. Ang malaking bilang ng respondents, na kinabibilangan ng mga rehistradong botante na may edad 18 hanggang 70, ay nagpapatunay ng aktibong pakikiisa ng mamamayan sa kanilang pagnanais na makilahok sa pagpapatakbo ng kanilang rehiyon.

Bukod sa mataas na antas ng partisipasyon, isang dahilan ng tagumpay ng Pulso ng Bayan 2024 ay ang masusing survey sa mga random na piniling respondents. Ang sampling margin of error na +1/-1 porsyento na may 95% na antas ng kumpiyansa, ay nagbibigay ng tiwala sa kredibilidad ng resulta ng survey.

Sa pangkalahatang perspektibo, ang Pulso ng Bayan 2024 ay nagbibigay-daan para sa isang mas maingat na pagtingin sa pamamahala sa MIMAROPA. Ang mga gobernador na nangunguna sa survey ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng rehiyon, at dapat silang maging inspirasyon para sa iba pang opisyal ng gobyerno.

Masasabing ito’y isang tagumpay para sa demokrasya at sa pangkalahatan, isang hamon para sa mga lider na patuloy na magsilbing inspirasyon at huwaran sa kanilang mga nasasakupan. Ang Pulso ng Bayan 2024 ay isang hakbang patungo sa mas maligaya, maunlad, at makatarungang bukas para sa mga lalawigan ng MIMAROPA.

182

Related posts

Leave a Comment