DADAMI ang pulubi sa lansangan sa sandaling magkaroon na ng bakuna sa China made virus na COVID-19 at alisin na ang community quarantine sa Metro Manila at mga mauunlad na lungsod sa bansa.
Teka, itong made in China na COVID-19 ang hindi peke kaya matindi ang naging epekto nito sa buong mundo. Hindi tulad ng mga gadgets at kagamitan na gawa rin sa nabanggit na bansa pero kadalasan ay peke kaya hindi nagtatagal.
Ngayon pa lamang, marami ng jeepney drivers ang namamalimos sa mga lansangan dahil hindi na sila makapamasada. Tila kasi seryoso ang gobyerno na ipatupad na ang modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan lalo na sa mga pampasaherong jeep.
Hindi ko alam kung uso pa, pero noon kapag may nag-istrike na mga manggagawa sa mga pabrika, at mga empleyado ng mga bus companies, aakyat sila sa mga pampasaherong bus at maghihingi ng tulong pinansyal.
Malamang gagawin din yan ng mga jeepney drivers na inalisan ng hanapbuhay kung walang protocol na ipinapatupad ngayon sa mga public transport na limitado ang pinapasakay para maiwasan ang hawahan sa COVID-19.
Kahit kalahati o kaya ¼ lang sa 75,000 jeepney drivers sa Metro Manila ang lalabas para mamalimos marami-rami pa rin ang mga iyan. Hindi pa kasama sa bilang na ‘yan ang mga kulorum ha.
Pero hindi lang ang mga jeepney drivers ang malamang na dadagsa sa lansangan para mamalimos kapag wala na ang community quarantine kundi yung mga kababayan natin na tuluyang nawalan ng kita dahil sa pandemya na hindi pinigilan ng China.
Pitong milyon daw ang nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya kaya mayroon at mayroon sa mga iyan ang manghihingi ng tulong pinansyal sa mga kalsada para may maipalaman man lang sa kanilang sikmura.
Malamang din mapapaaga ang mga kababayan nating katutubo sa pagluwas sa Metro Manila at mauunlad na lungsod sa bansa para mamalimos dahil maging sila ay labis na naapektuhan sa pandemyang ito.
Karaniwan na nating nakikita ang mga kababayan nating katutubo mula sa iba’t ibang lugar sa bansa sa mga lansangan sa Metro Manila kapag papalapit na ang kapaskuhan.
Habang tumatagal, dumarami ang mga katutubong namamalimos taon-taon sa mga kalsada na bitbit ang kanilang mga maliliit na anak, minsan nga sanggol pa lalo na tuwing Disyembre.
Hindi na ako magtataka kung hindi na hintayin ng ating mga kapatid na katutubo ang Disyembre para lumuwas sa Metro Manila dahil kung tayo nga sa lungsod ay naapektuhan ng husto sa pandemyang ito, sila pa kaya na nasa kabundukan?
Pero hindi ang mga mamamalimos ang dapat paghandaan ng gobyerno kundi ang mga gagawa ng krimen para lamang magkaroon ng laman ang sikmura pagkatapos ng pandemyang ito.
Kung noong walang pandemya ay may mga snatcher at holdaper, paano na lang pagkatapos ng pandemyang ito? Yan ang dapat paghandaan ng gobyerno lalo na ng ating mga law enforcer.
