PURO BUYAWYAW

HINDI na bago ang kalakarang pagbubunganga sa ilalim ng administrasyong pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kaya naman hindi na rin marahil nakapagtatakang maging ang kanyang mga itinalaga sa pwesto mistulang butangera’t butangero sa tuwing masasangkot sa indulto.

Sa pagsisiwalat na inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin, ibinida niya ang panibagong kapabayaang ipinamalas ng isang departamento.

Aniya, napamahal ang gobyerno sa biniling hiringgilya para sa malawakang pagbabakuna.

Hindi ito ang unang pagkakataong nagpa-saring si Locsin laban sa isang kapwa niya kalihim na minsan nang umani ng batikos sa kabiguang lumagda sa dokumentong magbibigay daan sana para makakuha ng maagang suplay ng Pfizer COVID-19 vaccines noong panahong kapos na kapos tayo ng bakuna.

Kung tutuusin, dikit-dikit naman talaga ang salto ng departamento ni Duque, kaya naman hindi na niya iniinda ang ano mang patutsada sa kanya. Sa hindi inaasahang pagkakataon, bumuwelta si Duque kasabay ng pagpukol ng paratang laban sa kanyang kritiko. Aniya, nais lamang ni Locsin na paboran ang isang supplier na nakabase sa Estados Unidos.

Ang totoo, magandang balita ang bunga-ngaan sa pagitan ng dalawang sekretaryo. Lumalabas kasi ang kani-kanilang bahong patunay ng katiwalian sa gobyerno.

Ang masaklap lang, nauubos ang panahon nila sa pukulan ng putik sa halip na pagtuunan ang paghahanda laban sa nakaambang panganib bunsod ng panibagong mutated virus strain na ayon sa mga eksperto ay 500 ulit na mas nakahahawa kumpara sa kung anong mayroon tayo.

Talaga yatang totoo ang kasabihang iniwan ng mga nakatatanda – kung ano ang puno, gayundin ang bunga. Kung butangero ang pangulo, ganun din ang mga taong itinalaga sa pwesto.

Sana nga lang, mabisang pangontra sa patuloy na banta ng pandemya ang kanilang pagbubunganga!

4

Related posts

Leave a Comment