DPA Ni BERNARD TAGUINOD
HINDI na ako magtataka na mabagal ang usad ng ating pag-unlad, kung umuunlad man tayo……dahil puro tayo simula tuwing anim na taon kaya walang natatapos at walang nakakamit na anomang mag-aangat sana sa buhay nating mga Pilipino.
Tuwing anim na taon, nagpapalit tayo ng presidente dahil ‘eto ang isinasaad sa saligang batas at ang mahahalal na pangulo na may kanya-kanyang programa na gustong ipatupad habang nasa poder sila.
Wala pang pangulo ng bansa mula nang magkaisip ako, ang nagpatuloy sa programa ng kanyang pinalitang administrasyon kaya tuwing ika-6 na taon, back to zero ang lahat ng programa.
Kahit ano pang ganda ng programa ng isang pangulo ng bansa ay hinding-hindi ‘yun itutuloy ng papalit sa kanya dahil gusto nilang lahat, magkaroon sila ng sariling identity.
Bunga marahil ‘yun ng matinding pulitika sa ating bansa, kaya ayaw ng isang pangulo na ituloy ang programa ng kanyang pinalitan ay baka iniisip nila na ang credit ay hindi mapunta sa kanya kaya karaniwang inaabandona ang isang programa o plano para umunlad ang mga Pilipino, sariling pangalan ang iniisip kung baga.
Lalong hindi itutuloy ng nakaupong pangulo ng bansa ang isang programa o development plan ng kanyang pinalitan kapag hindi sila magkasanggang dikit o may political rift na tinatawag.
Dahil diyan, walang programa na nagtuloy-tuloy at ang pangarap ng lahat na pag-unlad ay laging nababalam tuwing ika-6 na taon. Ang kawawa, ang bansa, ang sambayanang Pilipino.
Siguradong alam nilang lahat na walang pangarap na makakamit overnight. Mahabang proseso ‘yan at bibilang ng taon bago makita ang resulta. Hindi sapat ang anim na taon kung tutuusin.
Marami na siguro tayong nabasang programa na gustong ipatupad ng mga nagdaang pangulo ng bansa, hindi lamang sa transportasyon kundi sa iba’t ibang sektor tulad ng agrikultura.
Pero may nagbunga ba? Wala. Dahil may kanya-kanyang diskarte ang lahat ng mga naging pangulo ng bansa kung papaano paunlarin ang sektor ng agrikultura sa ating bansa.
Baka iniisip ng mga lider ng bansa na kapag itinuloy nila ang programa ng kanilang pinalitang pangulo ay sasabihin ng mga tao na kinopya lang nila at wala silang sariling bait at diskarte.
Ang ganitong pag-iisip ang nagpapabagal sa pag-unlad ng bansa. Walang continuity na tinatawag sa magagandang plano sa ating bansa na magpapaahon sana sa atin sa kahirapan.
Hangga’t pinapairal ng isang halal na pangulo ang kanyang ego, huwag na tayong umasa na uunlad pa tayo. Hangga’t iniisip ng isang halal na pangulo na kailangang nakatatak ang kanyang pangalan sa isang bagay, talagang mahihirapan tayong makamit ang pag-unlad.
Pero kung ang kapakanan ng bansa at sambayanang Pilipino ang kanilang uunahin, baka sakaling magkaroon tayo ng pag-asa. Sana, huwag lang tayo puro simula tuwing ika-6 na taon.
