TARGET NI KA REX CAYANONG
MULI na namang pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, na ang mabuting pamamahala ay nagdudulot ng makabuluhang pagbabago para sa lahat.
Sa pagkakamit ng 2023 Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), umangat ang Quezon bilang modelo ng responsableng pamahalaan at mahusay na paglilingkod.
Ang SGLG, na itinuturing na pinakamataas na pagkilala para sa mga lokal na pamahalaan, ay sumasalamin sa dedikasyon ng Quezon sa pagpapatupad ng epektibong mga programa, maayos na sistema, at tunay na serbisyo para sa mamamayan.
Sa ilalim ng HEALING Agenda ni Gov. Tan, partikular na ang Good Governance, patuloy ang pagtutok sa transparency, accountability, at maayos na pagdedesisyon—mga haligi ng isang progresibong pamahalaan.
Ayon kay Gov. Tan, ang tagumpay na ito ay hindi lamang sa kanya, kundi sa bawat empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na nagtrabaho nang walang kapaguran upang maisaayos ang mga proseso at sistema ng gobyerno.
Isa itong malinaw na patunay na ang sama-samang pagsusumikap ay nagdudulot ng kahusayan sa serbisyo.
Iniaalay naman ng gobernadora ang parangal na ito para sa lahat ng Quezonians—isang mensahe ng pasasalamat at inspirasyon na ang ganitong klase ng serbisyo ay magpapatuloy.
“It’s a concerted effort of everyone, and it’s proof that we are doing our best,” wika niya.
Hindi rin magpapahuli ang mga bayan ng Pagbilao, Gumaca, Candelaria, Dolores, General Nakar, Real, Sampaloc, at Mauban, na tumanggap din ng pagkilala mula sa DILG.
Ang kanilang tagumpay ay patunay na ang kolektibong determinasyon ng bawat bayan sa Quezon ay bahagi ng mas malawak na tagumpay ng buong lalawigan.
Sa ganitong uri ng pamamahala, na inuuna ang kapakanan ng mamamayan, tiyak na patuloy ang pagsulong ng Quezon tungo sa mas maunlad at maayos na kinabukasan.
Ang Seal of Good Local Governance ay hindi lamang tropeo o parangal—ito ay simbolo ng tiwala at tagumpay na nagmumula sa mabuting pamahalaan at masipag na mga lingkod-bayan.
2