R.A. 10592 REBYUHIN MUNA ANG IMPLEMENTING GUIDELINES BAGO IPATUPAD!

POINT OF VIEW

Inulan ng batikos ang lumabas na balita nitong Miyerkoles kaugnay sa planong pagpapalaya sa convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Nagbunga ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan at nagpanumbalik sa naramdamang sama ng loob, hinanakit at hirap na naranasan ng mga pamilya ng mga biktima mula sa karumal-dumal na krimen na ginawa ni Sanchez. Ito ang paggahasa at pagpatay kina University of the Philippines Los Baños (UPLB) students Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Para itong isang sugat na unti-unti nang nahihilom na muling binuhusan ng suka, kaya muling lumikha ng sugat at sakit para sa mga mamamayang Filipino lalo na sa pamilya ng mga biktima.

Si Sanchez na 24 taon pa lamang nakakulong para sa kanyang 7 beses na hatol na ‘reclusion perpetua’ o habambuhay na pagkakulong ay kabilang sa 11,000 convict na planong palalayain sa mga susunod na araw dahil sa ipinakita nilang pagbabago o kabaitan sa loob ng kulungan. Ang isang count ng reclusion perpetua ay katumbas sa 30 hanggang 40 taong pagkabilanggo.

Mabuti na lamang, bago pa lubusang sumabog ang publiko, hinarang ng Palasyo ang pagpapalaya kay Sanchez at sinabing hindi eligible ang dating mayor sa pagbawas sa panahon ng pagkakakulong nito sa ilalim ng Republic Act 10592, na pag-amyenda sa probisyon sa komputasyon ng ‘good conduct time allowance (GCTA), o ang pribilehiyo na gawaran na mabawasan ang panahon ng pagkakakulong ng isang preso bilang pabuya sa ipinakita nitong magandang pag-uugali sa loob ng panahon habang nakakulong ang isang convicted criminal.

Sa mga paglabag na ginawa ni Sanchez sa kulungan, nag-iisip tuloy ang publiko na baka ang naging basehan sa pagkakasama ni Sanchez sa listahan ng mga convict na mapapalaya sa ilalim ng R.A 10592 ay impluwensiya nito sa ilang opisyal ng Malacañang at ilang sangay ng ahensiya ng gobyerno.

Hindi natin mabura ang ganitong pag-iisip.

Kaya, mahalaga na bago lubusang ipatupad ang nasabing batas, pag-aralan muna nang mabuti. Kailangang timbangin at balansehin ng gobyerno ang interes ng bawat maaapektuhan ng kanilang dessiyon. Baka ang mga walang perang mga convict ay hindi makamit ang nasabing benepisyo. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

179

Related posts

Leave a Comment