RAMDAM N’YO NA BA ‘SHRINKFLATION’?

EDITORIAL

LUMIIT ba ang sukat o nabawasan ang laman ng mga produktong binibili mo? Huwag nang magtaka dahil totoo ang “shrinkflation” sa bansa.

Ang “shrinkflation” ay patagong dagdag-presyo sa pamamagitan ng pagbabawas ng laman ng produkto pero pareho lang ang presyo.

Nauna nang nagbabala ang Department of Trade and Industry sa mga manufacturer na bawal ang “shrinkflation”, ngunit kumambyo.

Wala raw nakikitang mali ang DTI sa parehong presyo ng ilang produkto kahit nabawasan ang laman ng mga ito basta huwag hahantong sa labis na singil.

Ayon kay Trade Assistant Secretary Amanda Marie Nograles, pinayagan ng ahensya na lumiit ang ilang items na nasa listahan ng mino-monitor na mga produkto dahil nagawa nilang tupdin ang ilang kondisyon na ipinataw ng DTI.

Una, nakalagay ang bagong timbang matapos bawasan ang laman. Ikalawa, makatwiran ang pagbawas ng laman na ibinibenta sa parehong halaga batay sa mas mataas na gastos ng produksyon, at ang ikatlo, inalam nila kung ang kita ng mga manufacturer mula sa binawasan na produkto ay hindi profiteering, na paglabag sa Republic Act No. 7851, o ang Price Act.

Ngayon, pinag-iisipan ng DTI na obligahin ang mga retailer na maglagay ng tanda ng pagbabago sa sukat o timbang ng produkto dulot ng shrinkflation.

Karapatan ng mga konsyumer na malaman ang pagbabago ng sukat at timbang ng produkto na kanilang binibili.

Ipalagay natin na ang 20 gramo ng isang produkto ay nagkakahalaga ng P5. Kung lima ang bibilhin, ang pinagsamang timbang ay 100 gramo na nagkakahalaga ng P25. Kung ang 20 gramo ay gagawing 18 gramo sa parehong presyo na P5, ang limang item ay aabot lamang sa 90 gramo na presyo ay P25 din. Sampung gramo ang nawala.

May negatibong epekto sa mga konsyumer ang shrinkflation. Isa itong kasangkapan para itago ang dagdag-presyo. Pinabababa nito ang halaga ng mabibili ng piso. Silensyong taas-presyo ito na nakaaapekto sa seguridad sa pagkain ng mga tao. Apektado nito ang bulsa ng mga mamimili.

Kailangang gumawa ng mabilis na aksyon ang gobyerno laban sa tahimik na dagdag-presyo dahil matindi ang epekto nito sa food security ng mga Pilipino.

Dapat seryosohin ng gobyerno ang inflation nang hindi umabot lagi sa shrinkflation.

Hihintayin pa bang sumunod ang “skimpflation” bago lapatan ng solusyon ang shrinkflation?

51

Related posts

Leave a Comment