RAPIDO MAMAMAGITAN SA BOC AT DDCAP PARA SA DELIVERY NG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

INULAN ng batikos ang ­pagkakatalaga kay dating PNP Chief Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health. ­Pinagpipistahan ­ngayon ito ng mga kritiko ng Marcos administration sa social media. Pero bakit nga ba inilagay si Cascolan sa isang posisyon na wala ­naman itong alam? Sino kaya ang nagrekomenda na ilagay ito sa Kagawaran ng Kalusugan?

Ang mga nakaupo sa matataas na posisyon sa DOH ay mga doctor, obviously kinakailangan na may background sa medisina upang maintindihan ang trabaho at hindi lang kung sinu-sino ang pwedeng ilagay sa posisyon sa ahensiya.

Mas maganda kung ilipat na lang si Cascolan sa ibang ­posisyon sa gobyerno na angkop sa kanyang kuwalipikasyon.

BINAHA naman ng ­katakut-takot na reklamo ang aming Facebook page sa unang araw ng releasing ng tatlong ­Allwin containers na dinala sa isang warehouse diyan sa ­Balagtas, Bulacan. Ang pinakaraming ­reklamo ay may kinalaman sa mga nawawalang balikbayan boxes kahit pa nakatanggap na ng abiso o nakita ng claimants ang box number nila sa post ng BOC sa kanilang FB page.

Kasunod na reklamo naman ang mabagal na paghanap sa mga kahon kung saan marami raw ang inabot ng gabi para makuha ang kanilang mga ­padala. Karamihan pa naman ng mga nagpunta sa warehouse ay galing sa malalayong mga lugar.

Agad naman nating ­ipinaalam kay Bureau of ­Customs Director Michael Fermin ang mga reklamo na agad namang ­humingi ng tawad at pang-unawa sa naabalang mga claimant.

Nangako si Dir. Fermin na magdagdag ng tao upang ­mapabilis ang releasing ng mga kahon pati ng araw kung kailan pwedeng makuha ang mga ­padala. Binanggit din nito na plano nilang maglagay ng tent sa labas ng warehouse na may ventilation upang kahit paano ay maginhawaan ang mga ­kumukuha ng mga padala.

Pero ang pinakamaraming reklamo ay nakasentro pa rin sa mga tanong ng mga kababayan nating kukuha ng mga kahon ngunit nasa mga malalayong lugar. Matatandaang sinabi ng BOC na prayoridad muna nila ang mga personal na kukuha ng mga padala kaysa delivery ng mga kahon.

Muli kong binanggit kay Dir. Fermin ang kakayahan ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) para maihatid ang mga kahon sa mga lugar na malalayo dahil sila lang ang may kakayahan nito. Idinagdag ko pa kay Dir. Fermin na handang magbayad ang mga karamihan ng mga nagpadala ng mga mensahe sa amin, maihatid lang kanilang mga kahon sa kanilang mga tahanan.

INALOK KO NA SI DIR. FERMIN NA MAMAGITAN AKO SA KANYA AT DDCAP UPANG MAG-USAP AT MAGKAROON NG KASUNDUAN KUNG PAANO MAIDE-DELIVER ANG BALIKBAYAN BOXES SA MGA MAY GUSTO NITO. ABANGAN!

239

Related posts

Leave a Comment