BISTADOR ni RUDY SIM
HINDI pa man nag-iinit sa kanyang pundilyo ang bagong commissioner ng Bureau of Immigration na si Kume Joel Viado ay sumasakit na ang ulo nito sa sunod-sunod na bulilyasong kinahaharap nito. Gaya na lang nitong 41 foreigners na hinuli ng PAOCC sa Bagac, Bataan kung saan pinayagan nito na magpiyansa nang libre, under recognizance ng isang mambabatas sa lugar.
Sino naman ang maniniwala sa kanila na under recognizance ng isang tao ang 41 katao na walang binabayarang piyansa sa gobyerno? Onli in the Pilipins, at kung ‘di ako nagkakamali ay first time ito nangyari sa history ng ahensya. Gaano kalaking pera ang nawala sa pamahalaan sa kawalanghiyaan este sa kapabayaan na ito ni Kume? Totoo kaya ang chismak na isa o dalawang tao lang ang nakinabang dito? Kung sakali man na hindi nagbayad ng piyansa ang mga hinayupak na banyaga, tumataginting na P2.25M ang nawala sa kaban ng pamahalaan dahil ang balita ay ikinonsidera na “indigents” ang mga ito. Ngunit ayon daw sa nakalagay na bail order ay kinasuhan ng “undesirability” ang mga ito upang ma-deport! Ang tanong ng sambayanan, “Bakit pinakawalan?” Anyare Kume? Sino ang kumita?
Malaki ngayon ang dapat mong ipaliwanag sa Palasyo kung saan mo hahagilapin ang 41 katao na involved sa POGO, matapos ang kautusan ng Pangulong BBM na alisin na ito. Kaya nga para apulain ang apoy ay agad na nag-issue ng Memorandum si Executive Secretary Lucas Bersamin sa agarang pagpapa-deport ng mga ito! Sa madaling salita kinakailangan mo, Kume, na i-cancel ang “bail” ng mga ito at agad ipag-utos sa Intelligence Division na hagilapin ang mga pinakawalan n’yo!
Ngayon lang namin napagtanto na kahit pala “indigents” ay afford nila ang mag-charter ng private plane papuntang Cebu! Ahahay!
Ayon sa ating chismosong matsing ay “investor” daw ni Tong este ni Cong, ang may hawak sa 41 katao at kilalang kaalyado rin ito ng administrasyon. Ano naman kaya ang say ni ES Bersamin tungkol dito? O baka naman lumundag agad si Kume Viado noong nalaman na may kamandag din ang nag-recognizance sa kanila?
Knowing naman kung sino ang padrino ni Kume sa kanyang pwesto, hindi naman siguro dadagain ito nang ganun-ganun lang! Totoo kaya na to the rescue ngayon si SOJ para hindi ligwakin ni Madam FL ang bata niya? ‘Yan ang mahirap sa usap-usap o kape kape lang na ‘di plantsado ang usapan!
Sa mga nakaka-alam ng totoong kalakaran sa ahensya, hindi bababa sa 1 kilong manok kada isang ulo ang usapan diyan. Kaya nga suplado si dating Kume Tan5 sa pagpirma ng piyansa. Kung ‘di mo hahatagan ng kalahating kilo ng mansanas ‘yan na para sa kanya lang, ay nawawalan ng tinta ang kanyang pampirma!
Kaya naman kung kaya nila bilugin ang ulo ng iba, sabi ng lolo kong namayapa na, “Tell that to the marines!” Hahaha!
By the way, putok din daw hanggang Malacañang ang BI Warden’s Facility sa sandamukal na reklamo ng extortion at pamemera sa detainees. Hindi na rin mabilang kung ilang beses nang natakasan ng mga preso ang pamumuno ng kasalukuyang warden ngayon na si “Di Katalo!” ‘Di ba talaga pwede kataluhin si warden na kilalang bata ni Tan5? O baka naibilin na rin kay Viado bago pa man ito namaalam?
Madam Risa and Quad Comm, medyo malamig ngayon ang simoy ng hangin sa BI, baka gusto n’yo painitin? Nakakasawa na rin kasi ‘yang issue ng EJK. Para maiba naman, your honors!
Ahahaay!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
78