SALUDO SA MGA MANGGAGAWA

EDITORIAL

PAGPUPUGAY sa sakripisyo ng mga Pilipinong manggagawa. Sinasaluduhan at pinasasalamatan ang mga manggagawa sa kanilang hindi matatawarang serbisyo.

Ipinagdiriwang ngayon ang Araw ng Manggagawa, na taunang selebrasyon ng kanilang ambag sa ekonomiya at lipunan.

Sila ang sentro ng atensyon, ngunit hindi selebrasyon ang nararamdaman ng karamihan dahil hindi nila feel ika nga ang lubos na pagpapahalaga sa naibibigay nilang partisipasyon sa ikauunlad ng pamayanan.

Mga kilos-protesta ang nagaganap. Isinusulong ng iba ang taas-sahod.

Nanawagan ang ilang labor group ng agarang pagpasa ng P750 wage increase sa arawang kinikita.

Dagdag-sahod ang hinihilling, ngunit may sektor ng manggagawa na mawawalan ng pagkakakitaan simula ngayon – ang mga driver at operator ng jeep na hindi sumama sa konsolidasyon para sa PUV modernization program.

Kung hindi magpapalabas ng TRO ang SC laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay sarado na ang ruta para sa mga hindi sumama sa konsolidasyon na napaso kahapon, Abril 30.

Bago o luma man ang kanilang jeep ay ituturing na itong kolorum.

Ano ang ginagawa ng gobyerno para sa interes ng mga manggagawa?

Sapat na ba ang alok na libreng sakay ng Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3) para sa lahat ng mga manggagawa ngayong Mayo 1 na hindi naman buong araw na palibre?

Sabagay, mahigit 200,000 bakanteng trabaho ang alok ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa halos 100 job sites sa bansa ngayong Labor Day.

Hinikayat din ang mga kompanya na bigyan ng oportunidad na makapagtrabaho ang mga PWD at senior citizen.

Sana ay hindi sa dagdag-trabaho isentro ng pamahalaan ang selebrasyon na kumikilala sa ambag at sakripisyo ng uring manggagawa.

Atupagin din sana ng pamahalaan ang kinikita ng mga manggagawa, lalo ng minimum wage earner.

Sapat na suweldo para sa marangal na buhay ang hinihiling nila. Kondisyon sa trabaho at minsan, kundi man kadalasan, ang pang-aabuso sa kanilang karapatan ang isyung dapat ding bigyan ng atensyon at bigyan ng solusyon.

Kung may magagawa o ginagawa ang pamahalaan ay matimyas siguro ang selebrasyon ng araw para sa manggagawa.

48

Related posts

Leave a Comment