MY POINT OF BREW ni JERA SISON
MABUHAY ang pamahalaan ng San Mateo, Rizal! Mabuti pa sila at alam nila na hindi kasagutan ang pagpayag sa mga e-bike, tricycle at pedicab na gumamit ng pangunahing mga kalsada sa kanilang bayan.
Matatandaan na ang Land Transportation Office (LTO) ay nagmumuni-muni na iparehistro ang mga e-bike dahil dumarami na raw ang bilang nito at nakikita na sa pangunahing mga lansangan.
Kaya naman nagtaka ako kung bakit ganito ang pananaw ng liderato ng LTO. Hindi ba dapat ay ipagbawal sila sa matrapik na mga lansangan dahil nga hindi rehistrado ang mga ito? Haaay.
Kaya naman ako ay natuwa sa aksyon na ginawa ng Bayan ng San Mateo na mahigpit na ipinagbawal simula noong ika-5 ng Pebrero, ang mga e-bike, tricycle at pedicab na gumamit sa kanilang pangunahing mga lansangan. Ayon sa pamahalaan ng nasabing bayan, hindi na nila kailangan na gumawa ng kautusan sa pagbabawal ng nasabing uri ng mga sasakyan.
Tumalima lamang sila sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpalabas na ng kautusan noong nakaraang buwan ng Disyembre na ipinagbawal ang mga e-bike, tricycle at pedicab sa lahat ng national road sa buong bansa.
Ang bayan ng San Mateo kasi ay napaliligiran ng tatlong malalaking lungsod. Ito ay ang Quezon City, Marikina City at Antipolo City. Kaya naman kapag sumapit ang tinatawag na rush hour, masyadong masikip at mabagal ang daloy ng mga sasakyan sa kanilang lugar.
Ayon sa kanilang municipal administrator na si Henry Desiderio, nag-ugat itong implemetasyon ng nasabing pagbabawal sa nasabing uri ng mga sasakyan bunsod matinding trapik pagsapit ng rush hour dahil sa pagdagsa ng mga papasok at uuwi mula sa trabaho ang eskwela. “Mas maraming umaangal. ‘Yung mga pauwi kasi mabagal ang traffic,” dagdag pa ni Desiderio.
Nilinaw rin ni Desiderio na pinapayagan nilang tumawid ang mga e-bike, tricycle at pedicab sa pangunahing mga lansangan ng kanilang bayan. Subalit mahigpit na ipinagbabawal na bumaybay sa nasabing mga kalsada.
Alam ninyo, mahalaga na tayo ay magsakripisyo at unawain ang ganitong mga hakbang para sa ikabubuti ng nakararami. Kung ang mga angal nila ay malayo ang lakbay o pag-ikot nila sa kanilang paroroonan, abay kailangan na unawain ninyo ang sitwasyon. Dagdag pa rito ang kaligtasan ng ganitong uri ng mga sasakyan, dahil maaaring madisgrasya sila ng malalaking sasakyan.
Tulad ng ilang pasaway na mga motorista na sumusubok sa bus lane sa EDSA o kaya naman ay ilegal na nakaparada sa kalsada na sinisita ng ating mga awtoridad, abay kayo ang lumalabas na sanhi ng trapik. Huwag natin sisihin o magalit sa ating mga traffic enforcer.
Sa totoo lang kapansin-pansin na halos lahat ng traffic enforcer ay hindi na nagpapa-areglo. Alam na ninyo ang ibig kong sabihin. Marami tayong napapanood sa social media kung saan nagtangkang magbigay ng pera ang nasisitang mga motorista ngunit tinatanggihan at pinarurusahan ang mga ito.
Saludo ako sa inyo at sa liderato ng inyong ahensya o lokal na pamahalaan. Harinawa’y sumunod na rin ang lahat ng mga LGU na ipatupad ang kautusan ng DILG sa pagbawal sa mga e-bike, tricycle at pedicab sa mga national road.
Uulitin ko, Mabuhay ang pamunuan ng San Mateo, Rizal!
157