SEC UMAKSYON NA LABAN SA KAPA

BAGWIS

MATAPOS nating ibunyag ang kalokohan ng KAPA Community Ministry International Inc., na siyang lumalaganap ngayon na malaking pyramiding scam sa Mindanao,  dumagsa ang napakaraming impormasyon tungkol sa natu­rang grupo.

Nalaman natin na maliban sa maraming estafa case na isinampa laban sa founder nitong si Joe Apolinario sa bayan ng Bislig, may mga lumabas na rin palang mga kautusan upang ito ay tuluyan nang buwagin.

Batay sa ipinalabas na desisyon ng Commission en Banc ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong February 21, 2019, inutusan nito ang KAPA na itigil na nito ang ginagawa nitong panghihingi ng donasyon mula sa mga miyembro nito kapalit ng pangakong mala­king tubo.

“Wherefore, premises considered, KAPA Community Ministry International Inc., KAPA Kabus Padatuon (enrich the poor), KAPA/KAPPA (Kabus padutoon) KAPA-Co Convenience Store and General Merchandise, KAPA Worldwide Ministry, and/or Mr. Joel Apolinario, their partners, directors, agents, representatives, conduits, assigns and any and all persons claiming and acting for and in their behalf  are hereby ordered to immediately cease and desist under pain of contempt, from engaging in activities of selling and/or offering for sale securities in the form of investment contracts in the guise of a donation or any other form of the same nature, as discussed above,” pahayag ng desisyon ng SEC en banc na pinangu­ngunahan ni SEC Chairperson Emilio Aquino.

Inaatasan din ng SEC en banc ang KAPA na itigil na nito ang anumang uri ng gawain nito sa internet o social media upang makapag-recruit ng mga miyembro at i-promote ang kanilang grupo.

At upang matiyak na hindi magagalaw ang mga pera at ari-arian na nakamal ni Apolinario at ng kanyang mga alipores, pinagbawalan ang mga ito na magsagawa ng anumang uri ng transaksyon o pag­lilipat ng pondo at pagbebenta ng mga ari-arian  ng KAPA.

Ang hindi na lang malinaw ay kung ano ang desisyon ng SEC ukol sa SEC registration na ipinagkaloob nito sa KAPA ngunit  kung ang en banc decision nito ang pagbabatayan, malinaw na tinatanggalan na nito ang KAPA ng anumang legal na karapatan upang ipagpatuloy pa nito ang ginagawa nitong kalokohan.

Gayunpaman, batay na rin sa ating pagsisiyasat ay patuloy pa rin ang operasyon ng KAPA at aktibo pa rin ang recruitment nito maging sa social media gaya ng Facebook. I-type mo lang ang KAPA at makikita mo na agad ang page nito sa Facebook at hindi pa rin ito isinasara ni Apolinario.

Maging ang website nito na https://kapamilyonaryo.com ay patuloy ang operas­yon at patuloy na ina-update ng administrator nito.

Maganda siguro ay tingnan ito ng SEC at mas mabuti sigurong humingi na ito ng tulong mula sa Department of Justice (DoJ) upang tuluyan nang makasuhan at maaresto itong si Apolinario at mga alipores nito.

Hindi malayong tatakas din palabas ng bansa itong si Apolinario tangay ang mga perang nakulimbat nito mula sa kanyang mga naloko gaya ng ginawa ni Manuel Amalilio na mastermind ng Aman Futures pyramiding scam. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

83

Related posts

Leave a Comment