TARGET NI KA REX CAYANONG
NAPAKABUTING kaibigan at masipag na public servant. Ang laging nasa isip niya ay public service.
Ayaw niya ng siraan. Ganyan si Sen. Bong Go. Ginagamit niya ang kanyang posisyon ngayon para maabot ang mga nangangailangan.
Sa kasalukuyan, si Go ang chairperson ng Senate Committee on Sports.
Kamakailan ay inisponsoran niya ang Senate Resolution na nagbibigay-pugay sa Filipino boxer at kapwa niya Bisaya na si Marlon Tapales.
Kung maaalala, nagwagi sa kanyang mga nakaraang laban si Tapales kung saan nasungkit niya ang World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) World Super Bantamweight titles.
Pahayag ni Sen. Go, “Nakalikha na si Marlon ng sariling tatak sa larangan ng boxing at ang kanyang tagumpay ay naghatid ng tagumpay sa kanyang pamilya, mga kaibigan at sa ating bansa.”
Bukod sa pagpapaabot ng kanyang personal na pagbati, sinabi rin ng senador na ang tagumpay ni Tapales at dedikasyon sa kanyang larangan ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang atletang Pilipino.
Tama nga naman ang masipag na senador. Ang tagumpay ni Tapales ay tagumpay na rin ng mga sumusuporta sa kanyang bawat laban.
“Patuloy nating itaas ang bandera ng Pilipinas sa buong mundo. Ngayon yatang December, may laban naman po si Marlon, wishing you good luck, at sana’y manalo ka at tuloy-tuloy pa ang iyong tagumpay,” wika pa ng energetic na senador.
Samantala, makaraan ang pagbisita sa mga residente sa Batangas City kamakailan ay dumiretso agad sa San Pascual, Batangas si Sen. Go para inspeksyunin ang Super Health Center sa bayan.
Dahil siya rin ang pinuno ng Senate Committee on Health, tuluy-tuloy ang pagbisita ni Sen. Go sa mga komunidad upang matiyak na maayos ang implementasyon ng pagpapatayo ng mga Super Health Center.
Sinabi ni Go na bahagi ito ng kanyang adbokasiya na mapalakas ang healthcare system sa buong bansa.
Aba’y nais ding matiyak ng senador na “maaabot ang lahat ng Pilipino at mabigyan ng de-kalidad na serbisyong medikal kahit sa mga liblib na lugar ng bansa.”
Kung hindi ako nagkakamali, dumalo rin sa event sina Congresswoman Jinky Luistro, Mayor Antonio Dimayuga, Vice Mayor Angelina Castillo, health local officials at ilang miyembro ng Sangguniang Bayan.
Si Sen. Go ay isang tunay at mabuting ehemplo para sa lahat ng nagnanais magsilbi para sa bayan.
Mabuhay po kayo at God bless!
