SERBISYONG TUNAY AT NATURAL NI GOV. HELEN TAN AT IBA PANG LOCAL OFFICIALS

TARGET NI KA REX CAYANONG

MASASABI na ang programang “Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan” na pinangunahan ni Governor Helen Tan ay isang huwarang halimbawa ng walang sawang paglilingkod sa Quezonians.

Sa pagsasagawa ng medical mission sa bayan ng Pitogo kamakailan, ipinakita ni Governor Tan ang kanyang malalim na malasakit sa kalusugan at kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.

Aba’y dinagsa ito ng 4,396 residente, patunay ng mataas na pangangailangan ng mamamayan sa mga serbisyong medikal, dental, at surgical na dala ng programang ito. Ang pagpunta ng mga doktor at espesyalista mula sa Maynila at iba pang bahagi ng lalawigan ay nagpakita ng pagkakaisa at dedikasyon sa pagtulong sa mamamayan.

Sa programang ito, hindi lamang pangkalahatang serbisyong medikal ang inialok kundi pati na rin ang libreng pagpapatingin sa mata at pagbibigay ng salamin para sa mga nangangailangan. Ang libreng pagpapagupit ng buhok ay simbolo ng kabuuang pagkalinga sa bawat aspeto ng kalusugan at dignidad ng mga residente.

Dagdag pa rito, ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO) ay nakiisa rin sa pamamagitan ng pamamahagi ng Medical Assistance mula sa AICS program para sa mga pasyenteng nangangailangan ng mga gamot at laboratoryo na hindi agad makuha.

Sa pamamagitan ng mga ahensyang ito, naipadama sa mamamayan ang tunay na layunin ng serbisyong pampubliko—ang magbigay ng agarang tulong sa oras ng pangangailangan.

Samantala, isang malaking hakbang ang isinagawa sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program, sa tulong ni Congressman Reynan Arrogancia at mga opisyal mula sa mga bayan ng Unisan, Pitogo, at Macalelon sa Quezon. Ang 847 na benepisyaryo mula sa mga bayan na ito ay nakatanggap ng tulong na maaaring hindi man pangmatagalan ay malaking ginhawa at pansamantalang solusyon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ang programang TUPAD ay inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang matugunan ang mga hamon sa hanapbuhay ng mga manggagawang lubos na naaapektuhan ng iba’t ibang kadahilanan.

Sinasabing sa kabila ng mga pagsubok sa ekonomiya, patuloy ang pagsusumikap ng DOLE at ng mga lider sa Ikatlong Distrito na ibsan ang pasanin ng mga Pilipinong nahihirapang makahanap ng trabaho.

Ang pagtutulungan ng tanggapan ni Congressman Arrogancia at ng DOLE ay nagpapakita ng kanilang matinding malasakit sa kapakanan ng mga manggagawa, lalo na sa mga kababayan nating lubos na nangangailangan.

Ang TUPAD ay hindi lamang nagbigay ng trabaho kundi naghatid ng pag-asa at pagkakataong maitaguyod ang dignidad ng bawat benepisyaryo.

At sa patuloy na pag-unlad ng programa at iba pang mga kahalintulad na inisyatibo, nakikita ang pagbabagong naidudulot ng bawat proyekto ng gobyerno para sa mga kababayan nating nangangailangan.

Nawa’y magpatuloy ang ganitong klase ng serbisyong tapat at may malasakit, tungo sa isang mas maunlad na lipunan.

Ipalaganap natin ang #SerbisyongTunayAtNatural, #HEALINGQuezon, #LingapSaMamamayanLibrengGamutan, at #MedicalMission2024.

57

Related posts

Leave a Comment