SIGE UTANG PA!

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IBINABAON ng gobyerno sa utang ang sambayanang Filipino pero hindi naman ramdam ang bunga ng mga inuutang na ito at ang masaklap pa sa lahat ay ninanakaw ng mga corrupt sa gobyerno ang dapat sana ay para sa mga tao.

Sa katapusan ng taong 2024, P15.8 trillion na ang utang ng Pilipinas kaya ang utang ng bawat Pinoy ay magiging P138,764 at tataas pa ‘yan dahil 2024 pa lamang ang pinag-uusapan natin at may apat na taon pa ang Marcos Jr., administration.

Kapag dumarami ang utang, kailangang magtaas ng buwis at walang ibang maghihirap diyan kundi ang ordinaryong mga Filipino at hindi ang mayayaman dahil mayroon silang mga tax holiday kapalit ng pagtatayo nila ng negosyo.

Isang halimbawa dyan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na walang binabayarang buwis dahil pinayagan silang ipasa sa mga consumer ang kanilang responsibilidad sa gobyerno.

Tulad na lamang nitong produktong petrolyo, pinatawan ang diesel at LPG at dinagdagan ang excise tax para raw gamitin sa health care ng mga Filipino, dikta ‘yan ng mga inutangan natin para masiguro na makababayad tayo.

Sino ang nagdurusa? Ang mga ordinaryong mamamayan dahil sa kanila direktang kinukuha ang buwis kapag nagpapakarga sila ng krudo at gasolina sa kanilang mga sasakyan at ‘yung mga walang sasakyan, dinale sila sa taas pasahe.

Binabawi rin ng mga negosyante sa mga consumer ang gastos nila sa krudo sa paghahatid ng mga pagkain sa mga palengke na naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga kinakain ng mga tao sa araw-araw.

Gayundin sa mga manufacturer, binabawi nila sa taas presyo ng kanilang mga produkto ang gastos nila sa petrolyo kaya nakababanas na sasabihin ni Sen. Bato dela Rosa na huwag mag-panic dahil utang lang ‘yan.

Okey lang na mangutang dahil lahat naman ng mga bansa sa mundo ay may utang kasama na dyan ang China at Amerika, kung mararamdaman ng mga tao ang bunga ng mga inuutang na ito at hindi ninanakaw.

Sabi ng Commission on Audit (COA), nasa P700 billion ang nawawala o ninanakaw sa kaban ng bayan kada taon. Ang laki n’yan. Halos kasinglaki ng ibinabayad nating interes ng mga inutang natin.

‘Yung inutang ng nakaraang administrasyon na ginamit sa laban kontra sa COVID-19, ‘di ba nabahiran ng anomalya. Walang naniniwala na walang ninakaw sa pondong ginamit noong panahon ng pandemya.

May ikinakasa pala na mga bagong tax ngayon sa Kongreso base na rin sa dikta ng Palasyo ng Malacañang tulad ng pagtataas sa singil sa paggamit ng kalsada o road users tax at plastic bag.

Nakasasama lang ng loob na dadagdagan ang buwis sa paggamit ng kalsada. Walang maayos na kalsada dahil konting ulan lang ay butas-butas na agad at kapag may nagre-repair, sasabihin ng mga tao “may kumita na naman”.

256

Related posts

Leave a Comment