Taong 2013 pa natukoy ng pamunuan ng PhilHealth ang tungkol sa fraudulent claims sa ahensya na nagagawa sa pamamagitan ng paggamit ng pirma ng mga namatay ng pasyente pero patuloy na kumukubra sa PhilHealth partikular ang mga sumasailalim sa dialysis.
Sa Northern Mindanao, halimbawa, taong 2014 napag-alaman ng PhilHealth mula sa Commission on Audit na nagkaroon ng overpayment sa may 20 porsyento ng mga pasyente na kumukubra ng insurance claims sa ahensya na nasa ilalim ng Department of Health.
Si Health Secretary Reynaldo Duque na rin ang nagsabi na base sa ulat ng Fact-Finding Investigation and Enforcement Department ng PhilHealth, mula 2015 hanggang 2018, may kabuuang 23,233 claims mula sa mga ospital at health care professionals na hinihinalang fraudulent.
At kung P10,000 ang konserbatibong halaga ng bawat fraudulent claim, aabot sa P232 milyon ang nawala sa PhilHealth at hindi pa kasama rito ang fraudulent claims sa mga naunang taon ng 2013-2014.
Si Duque rin ang tumatayong chairman of the board ng PhilHealth at sa kanyang pananaw, lubhang napakaliit na porsyento ng P232 milyon na fraudulent claims kumpara sa total benefit payout na P433-billion mula 2015-2018.
Ang malaking tanong kay Duque ay kung ano ang ginawa ng PhilHealth para imbistigahan kung sino ang mga dapat managot sa multi-milyong pisong fraudulent claims na posibleng matagal nang nangyayari lalo pa’t minsan na ring naging presidente ng PhilHealth si Duque sa ilalim ng administrasyon ng Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.
Kung hindi pa lumabas sa pahayagang Philippine Daily Inquirer ang multi-milyong pisong fraudulent claims sa PhilHealth ng WellMed Dialysis and Laboratory Center Corp. sa Novaliches, Quezon City, ay hindi pa magkakaroon ng kongkretong aksyon ang gobyerno para matigil ang anomalyang ito.
Kinailangan pang si Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-utos sa agarang pagbibitiw ng board of directors at matataas na opisyal ng PhilHealth at ang mabilis na pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation na kagyat na nagresulta sa pag-aresto sa may-ari ng Wellmed na si Bryan Christopher Sy.
Maging si Senator Christopher “Bong” Go ay nagpahayag ng pagkadismaya at pagkabahala sa nabunyag na anomalya sa PhilHealth. “Dapat hindi nila hinayaan na makalusot ‘yan sa kamay nila, dapat noon pa sinilip na nila. Command responsibility po ito ng opisyales ng PhilHealth. The Duterte Administration will never tolerate any form of graft and corruption. Hihikayatin ko ang mga kasamahan ko sa Senado na suriin at pag-aralan kung paano pa natin mapaigting ang kampanya laban sa mga ganitong anomalya,” paliwanag ni Go.
Walang duda na malaking sindikato sa loob ng PhilHealth ang nasa likod ng anomalya dahil hindi makakalusot ang fraudulent claims kung ginagawa ng mga opisyal ng ahensya ang trabaho nila na beripikahin ang lahat ng claims sa PhilHealth.
Kailangang mabuwag ang sindikato para matigil na ang anomalya sa fraudulent claims at magagawa lang ito kung magkakaroon ng masusing imbestigasyon at parusahan mga responsable sa naturang scam.
Sabi nga ni Senador Bong Go: “Tapusin ang dapat tapusing imbestigasyon. At kasuhan ang mga dapat makasuhan. Hindi natin palalampasin ang mga ganitong pagnanakaw at pag-lulustay sa pera ng taumbayan. Pera ito na dapat sana ay magamit pa sa mga tunay na nangangailangan nating mga kababayan.” Sana nga. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
140