Isang sumbong ang aking natanggap sa pamamagitan ng ating Bantay OFW Mobile Apps na kung saan ang ating kabayani na si Geraldine Ortillo na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia ay humihingi ng tulong.
Ayon sa salaysay ni Ortillo, mahigit limang buwan na siyang hindi binabayaran ng kanyang sweldo. Malapit na rin siyang umuwi ng Pilipinas at nababahala na siyang tuluyan na pauwiin na hindi bayad ang kanyang pinaghirapan.
Ang problemang ito ni Ortilla ay nagmula pa nang siya ay unang dumating sa kanyang employer at tila nakagawiian na diumano ng kanyang employer na mahigit limang buwan siya bago sahuran, kung kaya maging ang pamilya niya na umaasa sa kanyang ipinadadalang pera ay naapektuhan. Aking tinatawagan ng pansin ang Sphinx International Group upang kanilang kumustahin si Ortillo.
Samantala, ibig kong ibalita sa lahat ng mga OFW at maging ang mga paalis pa lamang, na ating ilulunsad ang bagong opisina ng Bantay OFW Help Center. Dito ay tatanggapin ang lahat ng inyong sumbong at reklamo na inyong ipapadala sa ating pinagandang Bantay OFW Mobile app. Ito ay libreng mada-download sa Google Play Store.
Bukod sa lingguhan na kumustahan sa pamamagitan ng Bantay OFW App ay magkakaroon na ito ng “Easy Call Button” na kung saan ay inyo lamang iki-click ang mga gusto ninyong tawagan katulad ng OWWA Hotline, PNP Global PCR Hotline, Bantay OFW Hotline at maging ang Legal Assistance na ibinibigay ng Lexmeet.
Kasama rin sa “Easy Click Button” ang pagtawag sa AKO OFW Teleradyo kung gusto ninyong maging “Phone patch guest” para sa inyong pagbati, request ng kanta at pati na rin pagkwentuhan ang iyong success stories at ang mga dinaranas sa ibang bansa.
Ilan lamang ito sa mga pagbabago na ating isinasagawa upang paunlarin ang ating serbisyong may malasakit para sa ating mga kabayani. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
166