SUHULAN SA SPEAKERSHIP, P2-M NA BAWAT KONGRESISTA

EARLY WARNING

TILA yata nagpapataasan ng ihi ang dalawa sa mga tatakbo bilang House speaker kung ang napapabalitang suhulan at bilihan ng boto ang pag-uusapan.

Mantakin mo naman, nagpapirma ng isang manifesto of support si Cong. 1 na mula sa Kabisayaan kapalit ng P500,000 bawat kongresista kahit walang commitment o gustong magpalit kung sino ang iboboto bilang speaker.

Aba’y hindi naman nagpahuli si Cong. 2 na sinasabing malapit sa isa sa mga anak ng pangulo at agad na nag-alok ng mas tumataginting na P1-M bawat kongresista sa kondisyong siya ang iboboto at nangako pa itong walang hindi mabibigyan ng pondo kahit kalaban pa ng administras­yon.

Akala natin happy na? Syempre hindi. Nagpahabol daw si Cong. 1 ng padagdag sa kanyang unang bigay na P500-K. Gagawin na nitong P2-M ang ibibigay bawat kongresista na siguradong boboto sa kanya.

Kumbaga, kailangang isangla nila ang kanilang dangal at kaluluwa para makatanggap ng P2-M bawat isa sa kanila. Ano ba ang nangyayari sa Kamara, bakit tila pera-pera na lang ang lumulutang na usapan sa labanan ng speakership?

Ang tanong, saang balong malalim kinukuha ng dalawang kongresista na ito ang pondong ipamimili nila ng boto? Galing ba ito sa mga mayayamang nego­syante na sumusuporta sa kanila o mula sa mga tagong yaman na unti-unti nang nakakalkal upang maging reyalidad ang kanilang ambisyong maging speaker na kanilang puhunan sa pagtakbo bilang senador sa 2022?

PAGSIGURO NA UNINTERRUPTED ANG SERBISYO

‘Di pa man umuupo pero naging abala na itong ating kaibigang si outgoing Navotas City Rep. Toby Tiang­co sa pagsisiguro na uninterrupted ang serbisyong bayan sa kanyang pag-upo bilang alkalde sa July 1.

Kanya nang inalam mula sa Technical Working Group ang status ng mga ginagawang pasilidad upang ma-ensure na ontime ang paggawa nito. Kabilang dito, ang ikalimang Navotas Vocational Training and Assessment Institute faci­lity, Navotas City Hospital Extension, Pescador Park, Navotas Homes-Tanza 1 Park at ang crematorium at columbarium.

S’yempre, hindi magi­ging epektibo ang transition of power kung wala ang kanyang ka-partner sa serbisyo-publiko, ang kanyang kapatid, outgoing Mayor John Rey Tiangco na papalit sa kanya sa Kamara, na abala na rin sa pagpapaliwanag upang maipasa nang maayos ang mga plano para sa lungsod at mamamayan nito.

“Atin ding pinatawag ang Public Works and Highways department upang siguraduhin na tuluy-tuloy ang paggawa ng ating mga pinondohang school buildings at flood-control projects.”

Kanya na ring sinimulan ang pag-aaral ng plano sa Navotas Centennial Park kung saan plano ritong magpatayo ng chapel, bus terminal, ferry station at town mall. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

128

Related posts

Leave a Comment