SUMUSUNOD NA LANG SA AGOS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ILANG kembot na lang ay 2025 election na kaya ngayon pa lamang ay aktibo na naman ang mga politiko sa pagpapa-survey kung sila ba ang may pag-asa na manalo sa susunod na senatorial election.

Bukod sa pagpapa-survey, abalang-abala na rin ang mga tatakbo sa 2025 senatorial election lalo na ang mga reelectionist, sa pag-iikot sa bansa at may mga nagkakalat na rin ng kanilang mga tarpaulin para paalalahanan ang mga tao na mag-ingat sa biyahe noong Semana Santa.

Panay na rin ang labas ng ilang politiko sa political ads at maingay na ang kanilang social media group para i-promote ang kanilang sarili na tila nagpapaalala sa mga tao na huwag silang kalimutan sa susunod na eleksyon.

Ganyan ang larong pulitika sa Pinas, saka lang magpaparamdam sa mga tao ang re-electionist senators kapag malapit na ang eleksyon pero sa unang 5 taon ng kanilang termino, para lang silang anino.

Kahit sa mga local tulad ng congressional, gubernatorial at mayoralty candidates, may nagsasagawa rin ng survey para alam ng mga nakaupo kung sino ang kanilang potensyal na makakalaban at mapaghandaan na kung baga.

Syempre, kung sino ang mangunguna sa survey ay ipagwawagwagan sa kanilang social media account at maging sa local media na sila ang nangunguna at napupusuan ng mga tao na mamuno sa isang distrito, probinsya at bayan o kaya siyudad.

Ang mga tao naman, kung sino ang nangunguna sa survey ay siya nilang sinusuportahan kahit ang tinanong ng mga survey firm ay 1,200 katao lamang. Kung baga, sumusunod sila sa agos kahit hindi nila alam kung saan sila dadalhin ng tubig na sinusundan nila.

Kung sino ang mga nasa top 12 sa senatorial survey ang siya nilang iboboto pagdating ng eleksyon na tila hindi sinusuri ang mga kandidato kung nararapat bang magpatuloy sila sa kanilang trabaho o nararapat ba silang maging senador.

Maraming magagaling na kandidato pero hindi lang pumapasok sa survey dahil sa ugali ng mga botante na kung sino ang sikat at pasok sa survey ang siya nilang ibinoboto. Sumusunod lang sila sa agos ng survey.

Ang daming senador natin ang wala namang nagagawa para sa bayan at ang daming mga senatorial candidate na pasok sa survey ang sikat lang pero alam mong walang binatbat sa iba pang kandidato na tinatalo nila sa survey.

Hangga’t hindi nagbabago ang karakter ng mga Pilipino sa pagpili ng kandidato ay patuloy na mabubudol ang ating bayan at ang kawawa niyan ay susunod na mga henerasyon na magdurusa sa maling pagpili ng mga lider ng bansa.

Kailangan sigurong kumilos na ang mga organisasyon na nagsusulong ng tamang pagpili ng kandidato. Edukasyon ang kailangan ngayon pa lamang at hindi kung kailan malapit na ang pagpunta ng mga tao sa mga presinto upang bumoto. Kawawa ang bayan.

153

Related posts

Leave a Comment