TIYAKING MAAYOS ANG PAGPAPATUPAD NG RICE TARIFFICATION ACT

POINT OF VIEW

Sa inaasahang pagbaha ng imported rice sa merkado matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte  ang Rice Tariffication Act  (RTA) noong Pebrero 14, 2019, sinasabi ng gobyerno na walang talo ang magsasaka rito.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) na hindi malulugi ang mga magsasaka sa  RTA dahil tutulungan silang makipagsabayan sa mga importer ng bigas.

Sa ilalim ng RTA, un­­li­­­­­­­­­­­mi­­ted ang pagdagsa ng bigas dahil kahit sino ay maaaring mag-angkat ng bigas basta’t magbabayad lang ng 35% porsiyentong taripa.

Ang batas ay naglaan ng P10 bilyon para sa  Rice Competitiveness Enhancement Fund, kung saan P5 bilyon ang ilalaan para sa farm mechanization, P3 bil­yon para sa binhi, at ang P1 bilyon ay para sa pagpapalawak ng rice credit assistance.

Nilalayon ng pondo ay matiyak na hindi lulunurin ng rice imports ang agriculture sector at agawan ng hanapbuhay ang mga magsasaka.

Mananatili naman ang National Food Autho­rity (NFA) bilang ‘keeper’ ng buffer stock ng bigay ng bansa at ang suplay nito ay eksklusibong magmumula sa ani ng mga lokal na magsasaka.

Sa kabila ng mga paniniyak, at paniniguro  ng gobyerno  na hindi maabuso, walang korapsyon sa pagpapatupad nito, hidi pa rin naaalis ang pangamba ng ating mga mamamayan lalo na mula sa sektor ng agrikultura.

Maganda sana ito kung talagang masusunod ang batas.

Ang malungkot lang dito, aminin man natin o hindi, sa Pilipinas ay hindi pantay ang pagpapatupad ng batas, regulasyon, alintuntunin o naming katulad nito, iba ang interpretasyon para sa mahihirap at iba naman para sa mga mayayaman, makapangyarihan at may impluwensiya. Ang mga mahihirap lagi ang negatibong tinatamaan.

Ang batas din sa Pilipinas ay tila sinusunod lamang kung bago pa lang ito, subalit paglipas ng panahon na kampante na ang lahat pati ang gobyerno, dito na papasok ang  pananamantala at pang-aabuso ng mga  opisyal o maging ordinar­yong mamamayan na nagi­ging dahilan ng kurapsiyon.

Madalas nating naoob­serbahan lalo na sa local areas, kung wala kang kapit kay kapitan, kagawad o sa barangay tanod, malabo kang makakakuha ng benepisyo mula sa gobyer­no. Ang ibig sabihin, baka hindi naman makarating sa mga kawawang maliliit magsasaka ang mga benepisyong dapat nitong matatanggap.

Isa pa, hindi magkapareho ang mga lugar ng mga sakahan sa bansa, merong may irrigation system at ang iba ay naghihintay  lamang ng ulan bago sila makapagtanim, paano na sila maka-avail ng benepisyo para sa irigasyon.

Ang higit na nakakatakot ay ang posibilidad na pang-aabuso at pandaraya ng mga rice importers na posibleng gamitin ang pagkakataon o tiwala sa kanila upang isabay sa kanilang importasyon ang pagpapasok din ng smuggled rice.

Ang magandang gawin sana ng gobyerno sa halip na nakatunganga tayo sa palayan ng ibang bansa, paunlarin at tulungan nila ang mga lokal na mga magsasaka. Bigyan sila ng tunay na tulong gaya ng mga farm to market road at maayos na transportasyon upang mabilis nilang madala sa mga pamilihan ang kanilang mga produkto lalo na yaong mga nasa mga liblib na lugar.

Tulungan ang mga magsasaka sa pag-dispose ng kanilang mga ani sa pamamagitan nang pagbili sa kanilang mga produkto tulad ng ginagawa sa ibang bansa ng kaya ang kanilang mga magsasaka ay hindi na nagkakaproblema kung paano maibenta ang kanilang mga ani.

Kailangan na maging mahigpit talaga ang gobyerno na bantayan ang pagpapatupad ng RTA upang hindi maabuso dahil baka ang batas na ito ang magiging ‘death sentence’ para sa ating mga lokal na magsasaka at sa agriculture industry sa Pilipinas tulad nang sinasabi ng ilang mga mambabatas. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

 

376

Related posts

Leave a Comment