ISA na muling kagalang-galang na senador ang artistang si Manuel “Lito” Lapid matapos manalo sa eleksyon noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Ngunit, kahit senador na ay muling nabuhay at tuloy ang kasong kriminal ni Lapid na kinasangkutan niya noong gobernador pa siya ng Pampanga.
Ilang araw na ang nakalilipas, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito hinggil sa kasong korapsyong kinasangkutan ni Lito Lapid tungkol sa P4.761 milyong pataba.
Binaliktad ng ikalawang dibisyon ng Korte Suprema ang pasya ng Sandiganbayan tatlong taon nang nakalilipas.
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Lito kung saan ipinasya nitong masyado nang naantala ang kaso.
Kasalanan umano ng Office of the Ombudsman kung bakit natigil at nabalahaw ang kasong korapsyon laban kay Lito Lapid at kina Victoria M. Aquino-Abubakar, Leolita Aquino at Dexter Alexander S.D. Vasquez.
Idiniin ng Korte Suprema na mali ang desisyon ng Sandiganbayan sapagkat hindi nabalahaw at hindi naantala ng Office of the Ombudsman ang kasong kriminal ni Lapid at iba pa.
Umabuso ang Sandiganbayan sa kapangyarihan nito nang ibasura ang kaso nina Lapid.
Kaya, muling isasalang at lilitisin sa Sandiganbayan si Lapid at ang iba pang sangkot sa kaso.
Ang kasong korapsyon ay bahagi ng pumutok na “fertilizer scam” noong si Gloria Macapagal-Arroyo ang pangulo ng Pilipinas.
Si Lapid ay gobernador noon ng Pampanga nang maganap ang korapsyon.
Kinasuhan si Lito at iba pa dahil noong 2004, ang pamahalaang panlalawigan kung saan si Lito Lapid ang gobernador ay bumili ng 3,880 botelya ng pataba na ang halaga ay P4.761 milyon.
Sa ganyang halaga, lumabas na P1,250 kada litro ng pataba, samantalang mayroon namang iba na ang alok ay P150 bawat litro.
Ibig sabihin, ang presyo ng patabang binili ng administrasyong Lapid ay sobra ng P4.268 milyon.
Malaking isyu ito, sapagkat senador na ulit si Lito Lapid.
Ngayong muling gugulong ang kaso ni Lito, tatlong senador na ang nahaharap sa kasong korapsyon.
Maliban kay Lito Lapid, ang dalawa pa ay sina Senador Ramon “Bong” Revilla at Senador Joel Villanueva.
Mayroon pang natitirang kasong korapsyon si Revilla na nakasalang din sa Sandiganbayan, samantalang ang kasong korapsyon ni Villanueva na pinatunayan ng Office of the Ombudsman na malakas ang ebidensiya ay hindi pa tuluyang natatapos.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
155