ULAT SA UNANG 100 DAYS NG BAGONG PAMUNUAN NG QUEZON PROVINCIAL CAPITOL

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

MINARKAHAN ni Doktora Helen Tan ang kanyang unang isang daang araw sa pwesto bilang kauna-unahang gobernadora ng Probinsya ng Quezon, sa pagtatampok ng kanyang mga inilunsad na serbisyo at reporma.

Pangunahin dito bilang isang doktor, ay ang maayos na paghahatid ng health services sa ­Quezon Medical Center (QMC) mula nang kanyang ipag-utos ang mga bagong polisiya at sistema sa pagpapatakbo ng ospital.

Tampok din sa kanyang mga nagawa ang pagtatayo ng Provincial Government Satellite Offices sa lahat ng lungsod at bayan sa lalawigan para sa mas mabilis at maginhawang paglalaan ng assistance sa mga nangangailangan.

Sa kanyang first 100 days address na ginanap sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan na pinangunahan ni Vice Gov. Third Alcala, hindi naitago ni Gob. Helen ang mga problemang kanyang kinaharap noong kanyang pag-upo sa kapitolyo.

Dahil bumulaga sa kanya ang kanyang natuklasan na ang kanyang pamahalaang lalawigan ay may malaking pagkakautang at masalimuot na pananalapi.

Kanyang iniulat ang P1.1B na pagkakautang ng lalawigan na ginamit para sa mga proyektong hindi pa napapakinabangan o ‘di naman kaya ay walang malaking pakinabang sa mamamayan.

Bilang bahagi ng pagsasaayos ng pananalapi ng lalawigan, kanya rin ipinag-utos ang pagtatayo ng price monitoring committee sa ilalim ng General Services Office at ang pagtiyak na ang halaga ng lahat ng purchase requests ay alinsunod sa presyo sa merkado upang makatipid at maiwasan ang katiwalian.

Ibinida rin ni Gob. Tan ang agad na paghahanda at paghahatid ng tulong ng kapitolyo para sa mga nasalanta ng Super Bagyong Karding kung saan humigi’t-kumulang P37M ang naipamahagi bilang financial assistance sa mga biktima.

Ang kanyang talumpati ay mainit na tinanggap ng Sangguniang Panlalawigan at binigyang pugay ng iba’t ibang mga sektor. Ito ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa national government agencies, local government units, non-government organizations, people’s organizations at private sector.

“I am never as inspired and as committed as I am now because I know that in spite of the difficulties, in the face of the obstacles, and amid the challenges change is possible, change can happen, and the people are rooting for us to make this change come true”, ani Gob. Helen.

Dagdag pa niya, “Sa gitna ng mga hamon at suliranin na ating kinakaharap, unti-unti nating binibigyang daan ang mga pagbabagong inaasam at inaasahan ng mamamayan o Quezonian “.

Binigyang diin ni Gob. Tan na matapos ang first 100 days, meron na lamang natitirang isang libong (1,000) araw upang gawin ang mandatong ipinagkatiwala ng mamamayan, “A progressive and healthy Quezon Province as the prime agri-tourism destination in the region by 2030, uplifted by reliable and inclusive services, competent leadership, and empowered citizenry.”

Sa pagtatapos ng kanyang ulat para sa unang isang daang araw, pormal nang isinumite ni Gob. Helen sa Sangguniang Panlalawigan ang napagkasunduang Executive-Legislative Agenda (ELA) kung saan napapaloob ang kanyang mga programa, proyekto, at inisyatibang gagawin sa natitirang mga araw ng kanyang unang termino sa pamamagitan ng kanyang platapormang ‘HEALING’ na tumatayo para sa Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment/Tourism, at Good Governance.

Hiniling din niya sa Sanggunian ang mabilis na pagpasa ng mga kinakailangang ordinansa at resolusyon tulad na lamang ng ordinansa para sa Universal Health Care (UHC) sa Quezon.

105

Related posts

Leave a Comment