UPDATE SA KUWAIT, TPE AT ACCE CARGOES

RAPIDO NI TULFO

NAIBALIK na sa Bureau of Customs at napirmahan na ni Commissioner Bienvenido Rubio, ang Deed of Donation na magbibigay daan sa pagpasa ng 25 containers mula Kuwait sa Department of Migrant Workers.

Ito ang magandang balita na ibinahagi sa atin ni Asst. Commissioner at tagapagsalita ng Bureau of Customs Atty. Vince Maronilla sa ating programa sa DZME 1530 khz kahapon.

Ayon kay Atty. Maronilla, ipapasa na nila sa DMW ang naturang dokumento upang masimulan na ang paglalabas ng containers at distribusyon ng mga laman nito matapos ang pagpupulong sa mga ahensiya ng DMW at OWWA sa susunod na linggo.

Matutuldukan na sa wakas ang halos kalahating taon na reklamong ito na una naming binigyan ng pansin noon pang Hulyo.

Sinamantala na rin ng inyong lingkod ang pagkakataon upang humingi naman ng update sa iba pang reklamong hawak namin sa TPE at ACCE Cargoes na nakatengga rin ngayon sa BOC.

Ayon kay Atty. Jeff, dalawa ang dahilan kung bakit hindi mailabas ang containers ng dalawang cargo forwarders.

Una ay may kinalaman sa droga na nakumpiska sa ilang mga kahon na isinabay sa shipment. Ang ikalawa ay may kinalaman naman sa mga kahon na pinalalabas na balikbayan boxes pero naglalaman naman ng mga kagamitan o bagay na ginagamit sa negosyo.

Dito nagkakaroon ng problema dahil ang mga padala na pasok sa “commercial classification” ng BOC ay kailangan magbayad ng karampatang buwis.

Iniisa-isa na raw ng BOC ang mga kahon upang malaman kung ano ang lehitimong balikbayan boxes at iyong mga ginagamit sa negosyo ang laman.

Nagbabala naman si Atty. Maronilla na hahabulin nila ang consolidators na nililinlang ang gobyerno sa misdeclaration ng mga laman ng kanilang containers.

2

Related posts

Leave a Comment