PUNA ni JOEL O. AMONGO
Na-PUNA natin na hindi na tinantanan ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang pagbanat kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Inday Sara Duterte.
Nitong nakaraan, lumabas na isa sa mga iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) dahil sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang, ay si VP Sara, na nangyari noong mayor pa siya ng Davao City.
Sinabi ni Inday Sara, lumabas lamang itong idinadawit siya sa Oplan Tokhang sa Davao City, nang siya ay umupong Vice President.
Nagsalita naman ang pangalawang pangulo na hindi niya kailangan ng Oplan Tokhang at kahit kailan ay hindi siya nadawit dito.
Aniya, kung ang ICC ang magkakaso sa kanya ay hindi niya ito haharapin, pero kung ang isasampang kasong kriminal laban sa kanya ay sa korte ng Pilipinas ihahain, ay haharapin niya ito.
Pakiramdam kasi ni VP Sara, ang ginagawa ng ICC ay pakikialam o kawalang respeto sa mga korte ng bansa.
“Huwag nating ipahiya ang bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga dayuhan na manghimasok at makialam sa Pilipinas. Ang kahilingan na magpailalim sa mga dayuhan ay sampal sa mga bayaning Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay at lumaban para lang sa ating kalayaan,” pahayag pa ni VP Sara.
Sa ganang akin, bagama’t malayo pa ang 2028 presidential election, ay malinaw na ang ginagawang pagbanat kay VP Inday Sara ay para sirain ang kanyang kredibilidad at para matalo sakaling kumandidato bilang pangulo ng bansa.
Ika nga ng mga nakausap natin, kaya pinuputakti ng banat si Inday Sara ay para pigilan itong maging presidente ng Pilipinas.
Ang tanong, epektibo ba ang mga banat laban sa kanya? Tatandaan po natin, ang taong sinisiraan na hindi napatutunayan na siya ay may kasalanan, ay lalong bumabango at nakakukuha pa ng simpatya ng mga tao.
Ang patutsadahan ng mga Duterte at Marcos, ay patunay lamang na ang dating binuo nilang UniTeam noong panahon ng 2022 presidential election, ay nawasak na at kahit kailan ay hindi na ito mabubuo.
Maging ang dating Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary ni Duterte at kasalukuyang National Security Adviser Adviser Eduardo Año ni Pangulong Bongbong Marcos, ay nagsalita na ang magtatangkang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas ay gagamitan ng dahas ng gobyerno.
Hindi man ito direktang sinabi ni Año laban kay Duterte, malinaw na ang kanyang binabalaan ay ang dati niyang amo. Ang pulitika nga naman sa Pilipinas, kung saan ka makakukuha ng pabor ay doon ka.
Noong nakaraang Enero 28, 2024, sa pagsasalita ni Duterte sa isinagawang rally sa Davao City, sinabi niyang kung hindi ititigil ng administrasyong Marcos ang People’s Initiative (PI) ay ihihiwalay nila ang Mindanao sa Pilipinas.
Partikular na tinukoy ni Duterte na ang nagsusulong ng PI ay sina First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840.
117