WAGE SUBSIDY ISINUSULONG SA KONGRESO

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA kasalukuyan, ang usapin ng pagtataas ng sahod para sa mga manggagawa ay patuloy na binibigyang pansin ng House Committee on Labor and Employment.

Isa sa mga pinag-uusapan at ikinokonsidera ay ang posibilidad na magpatupad ng “wage subsidy” upang mapagaan ang epekto ng taas-sahod sa sektor ng paggawa.

Ayon kay Committee Chairperson at Rizal Rep. Fidel Nograles, ang wage subsidy ay isa sa mga lumutang na suhestyon pagkatapos suriin ang mga panukalang nagtataguyod para sa legislated wage hike.

Binigyang-diin niya na mahalaga na konsultahin ang economic managers upang malaman kung kakayanin ng gobyerno ang gastusin para sa naturang subsidiya.

Bukod sa wage subsidy, ipinahayag ni Nograles na kanilang tinitingnan ang iba pang mga hakbang na magbibigay ng pakinabang sa lahat ng sektor.

Aniya, layunin nilang makahanap ng solusyon na magdudulot ng “win-win situation” para sa lahat.

Sa isa pang bahagi ng pagdinig, ibinahagi ni Cavite Rep. Jolo Revilla, isa sa mga nagpanukala ng P150 wage hike, ang kasalukuyang average na buwanang sahod ng isang manggagawa sa Pilipinas noong 2020 ay nasa P15,200 lamang, na isa sa pinakamababa sa 110 na mga bansa.

Pinunto naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na mula pa noong 1989 ay hindi na nagkaroon ng legislated wage hike, kaya’t panahon na raw para sa bagong pagtataas ng sahod.

Sa kabilang banda, inirerekomenda ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) ang pagpapalakas ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP). Ayon sa CPBRD, ang AKAP ay maaaring maging epektibong tugon para sa minimum wage earners at yaong nasa “near poverty line” na labis na naapektuhan ng inflation.

Sabi ng CPBRD, ang legislated wage increase ay maaaring magdulot ng mga pagbabago sa merkado ng trabaho, lalo na sa pagpapantay ng sahod sa above minimum wage earners.

Ang ganitong hakbang ay maaaring maging “highly distortionary” dahil sa potensyal na pagkakaroon ng hindi pantay na sweldo sa kabila ng pagkakaiba sa trabaho at produktibidad ng bawat manggagawa.

Sa pangkalahatan, ang pagsusuri at pagtugon sa mga hamon ng taas-sahod ay isang kritikal na hakbang sa pagtataguyod ng patas at mapagkalingang sistema ng paggawa. Mahalaga na ang bawat desisyon ay magsusulong ng kapakanan, hindi lamang ng mga manggagawa kundi pati na rin ng kabuuang ekonomiya.

40

Related posts

Leave a Comment