WAKAS NG MATIKAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAMAKAILAN, ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak kay suspended Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Cesar Chiong dahil sa grave misconduct, abuse of authority and misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Muntik na akong bumilib noon kay Chiong dahil may mga nagsasabing matibay ito. Bata raw kasi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista. Si Chiong ay kinuha ni Bautista para mangasiwa. Ayon sa Ombudsman, si Chiong ay hinirang bilang acting general manager at miyembro ng board of directors ng MIAA noong Hulyo 19, 2022. Inako niya ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga posisyon noong Hulyo 20, 2022.

Kung si Bautista mismo ang kumuha kay Chiong para pangasiwaan ang NAIA, ibig sabihin magaling siya.

Pero nasaan ‘yung tibay at tikas ng dalawa. Pareho atang mahina ang mga opisyal na ito. Ngayong nasilip na ng Ombudsman si Chiong, ewan ko kung sisipatin din si Bautista. Sabagay, baka wala namang masisipat kay Mr. Secretary.

Kay Chiong muna tayo. Nauna na siyang sinuspinde ng Ombudsman dahil sa umano’y pag-abuso niya sa kanyang posisyon noong Abril.

Manipis lang naman na kadahilanan.

Pero kamakailan, inaprubahan ng Ombudsman ang ginawang pag-iimbestiga nina graft investigation and prosecution officers Clarisa Tejada at Gretchen Duran, acting director-PIAB-A Bonifacio Mandrilla at officer in charge, PAMO II Medwin Dizon na pinadidismis na si Chiong.

Bumigat ang kaso at nauwi na sa ‘grave misconduct, abuse of authority or oppression, at conduct prejudicial to the best interest of the service.’

Dahil lamang sa ginawang pagbalasa sa 285 empleyado ng airport na walang sapat na rason.

Mukhang malubha ang ginawang ito ni Chiong. Bukod sa pagpapadismis sa puwesto sa ‘bata’ ni Bautista, pinag-utos din ng Ombudsman ang perpetual disqualification kay Chiong. Hindi na maaaring humawak si Chiong ng kahit anong posisyon sa pamahalaan. Hindi rin niya makukuha ang mga benepisyo.

Saklap ng mga pangyayari.

Bukod nga pala kay Chiong, pinasisibak din sa pwesto si MIAA acting assistant general manager for finance and administration Irene Montalbo dahil guilty rin daw sa mga akusasyong isinampa laban sa kanya.

Si Chiong umano ang nagtalaga kay Montalbo sa posisyon sa kabila ng unsatisfactory rating sa 2020 Office Performance Commitment and Review of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ang opisina na kanyang pinamumunuan.

Kung ang bata ay nakagawa ng ikinasibak nito, baka kaya mas mabigat ang puwedeng gawin ng nag-aalaga at may hawak.

Teka, ‘di ba ipinagmamalaki raw ng dalawang opisyal na matikas na hindi sila kayang gibain dahil nakasandal sa matibay na pader? Kasangga raw ng dalawa ang babae sa Palasyo. Ibig sabihin, may kakampi na masasandigan at magtatanggol.

Sino kaya ang babaeng makapangyarihan sa Palasyo?

Aber… wait and see na lang kung makakanti rin ang kalihim.

Ang pagiging matikas ay may wakas.

252

Related posts

Leave a Comment