WATAK-WATAK NA ANG KOALISYON NI DUTERTE SA KAMARA

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Kahit nauna nang sinabi ni Duterte na hindi s’ya makikialam sa paghalal ng speaker sa Kongreso, wala siyang nagawa kundi manghimasok sa nagbabanggaang mga bato na nais makuha ang pinakamataas na posis­yon sa House of Representatives. Ito ay patunay na watak-watak ang koa­lisyon ni Duterte, na may kanya-kanyang ambisyon at manok para sa speakership.

Ang pagpili ng speaker ay dapat na independiente na desisyon ng lehislatibo bilang hiwalay na sangay ng ating pamahalaan. Ngunit, nais talagang panghawakan ng gobyernong Duterte ang buong pamahalaan sa paglalagay ng kanilang mga kaalyado sa lahat ng sangay ng pamahalaan. Ito ang tiniyak nang maglabas ng listahan si Duterte ng kanyang sariling listahan ng lider sa Kamara.

Ngunit hindi natatapos sa pagpili ni Duterte ang bangayan sa liderato ng Kamara. Kahiya-hiya man ang ginawang “term-sharing” para masiyahan ang mga nais maging speaker of the House, patuloy pa rin ang mga paksyon sa loob ng “supermajority” ni Duterte sa pagsisikuhan. Ang mga politikong ito, at ang mga backer nilang malala­king negosyante ay patuloy na mag-aaway-away para sa dominasyon sa politika at interes ng negosyo. Lalo pa, papalapit na rin ang presidential elections sa 2022.

Sa kabila ng away-away ng mga politikong ito, ang pinakakawawa pa rin ay ang taong bayan. Ang niraratsada sa loob ng Kamara ay ang bago na namang buwis sa TRAIN, term extension ng mga opisyal ng gobyer­no, at Charter Change. Sa paglalagay ng mga manok ng administrasyon sa loob ng Kamara ay para na lamang rubber stamp ang Kongreso, na tagaapruba na lamang ng mga nais gawin ng nasa poder.

Sa panghihimasok ng presidente sa halalan sa loob ng Kamara, ang independence o pagsasarili ng Kongreso ay malubhang nakompromiso para sa interes ng iilan. (Kakampi Mo ang Bayan /  TEDDY CASIÑO)

135

Related posts

Leave a Comment