CLICKBAIT ni JO BARLIZO
WISH pala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang ika-66 na kaarawan nitong Setyembre 13 na maging maayos ang agrikultura at malaman kung ano talaga ang weather, wet ba o dry season, para matulungan ang mga magsasaka.
‘Yun lamang daw ang kanyang panalangin hanggang ngayon.
Nasa Singapore siya sa araw ng kanyang kaarawan upang magbigay ng talumpati sa 10th Asian Conference sa naturang bansa.
At dahil nasa Singapore na rin lang daw ang Pangulo eh manonood na rin siya ng Formula One Grand Prix 2023.
Ipinag-alburoto ito ng ilang progresibong grupo. Kasi nga naman, patong-patong ang problema ng Pilipinas, mula sa dambuhalang pagkakautang hanggang sa pagkain, pero heto ang Pangulo at nakuha pang maglamyerda.
Iyang F1 race ay tila may kung anong panggayuma sa Pangulo, hindi ba’t noong isang taon eh ‘pumuslit’ din siya para manood ng karerang ‘yan?
Balik tayo sa wish ng Pangulo.
Paano maaayos ang agrikultura kung dadaanin lang sa ‘wish ko lang”?
Palpak nga ang ipinatutupad na price ceiling sa bigas, ‘di lalo na walang maaasahan sa wish lang.
Hindi lamang wet o dry season ang pinag-aaralan dahil may mga dahilan bukod sa klima na nakakaapekto sa produksyon ng mga pananim.
Sana tingnan nila ang mga balakid kaya hindi maayos-ayos ang sektor.
Malinaw naman na kailangan ng sektor ang isang kalihim na eksperto, may kakayahan at karanasan. Malinaw rin na hindi ang Pangulo ang karapat-dapat sa posisyon, na kailangan bigyan ng buong atensyon at oras.
Bakit kasi hindi magtalaga ang Pangulo ng kalihim na may dedikasyon sa sektor ng agrikultura?
Malaking pagkakamali ang desisyon ni Marcos na hindi magtalaga ng kalihim ng agrikultura.
Tila hilong-talilong na sila sa pagtugon at pag-ayos ng mga problema.
Kung iaasa sa ‘sana’ ang pag-asenso at maayos na agrikultura ay malabo talaga na makumpuni ang lamat nito.
Ginagawa ang plano at mga kahilingan at saka na ang dada kapag may resulta na.
Sabagay, wish lang naman ang ginawa kaya hindi siya masisisi kung ang wish ay hindi magkatotoo.
Basta ang mahalaga, bumiyahe nang bumiyahe para makakuha ng mga pledges, na hindi naman masasabing achievement.
Umabot na raw sa ilang bilyong piso ang investment pledges, pero nasaan na ito?
Bumagsak nga ang net foreign direct investments (FDI) ng Pilipinas sa unang anim na buwan ng taon. Ang datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagpapahiwatig ng pagbaba ng 20.4 percent sa $3.911 billion.
Huwag nang daanin sa mga wish at projection ang ikauunlad ng bansa.
Aksyon at mahusay na paghimay sa mga problema ang kailangan para matukoy kung paano ito masolusyunan.
164