ORAS NG PAGBOTO NG MGA OFW PALAWIGIN – MARCOS

HINILING ni Senador Imee Marcos sa Commission on Elections na palawigin ang oras ng pagboto ng mga OFWs sa mga embahada at konsulada ng Pilipinas.

Ito sa gitna ng posibilidad na maulit ang mga aberya sa unang araw ng botohan ng OFWs sa Hong Kong, United States, Italy, at New Zealand sa iba pang mga bansa na may malaking populasyon ng OFWs.

“Wag na nating hintayin na kung kailan ‘last-minute’ o konting oras na lang ang natitira saka matataranta na maghanap ng remedyo. Libo-libong mga OFW ang mawawalan ng karapatan na makalahok o makaboto,” saad ni Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms

“Pinakamabilis na solusyon ang pagpapalawig ng oras ng botohan sa ating mga embahada at mga konsulada, habang inaasikaso pa ng Comelec ang iba pang mga problema sa logistics o mga gamit sa pag-aayos ng karagdagang mga ‘voting precinct’,” dagdag ng senadora.

Tinukoy ni Marcos ang kawalan ng pare-parehong mga oras ng botohan sa abroad kung saan ang iba ay natatapos sa kalagitnaan ng hapon o ang iba ay pinatatagal hanggang gabi.

Ang mahabang pila, pagkaantala ng mga ‘election paraphernalia,’ at hindi pa natatanggap na mga mail-in ballots ang mga dahilan kaya nahaharang o hindi nakakaboto ang mga OFW.

Maraming reklamong nakararating sa tanggapan ni Marcos mula sa Saudi Arabia at United Kingdom na hindi alam ng mga OFW kung saan boboto o hindi nakapag-rehistro dahil tapos na ang rehistrasyon.

“Kailangan kompyutin ng Comelec at DFA (Department of Foreign Affairs) paano masigurong makaboto ang mga OFW sa iba’t-bang mga lugar araw-araw at sa loob ng isang buwang inilaan para sa botohan sa abroad,” ani Marcos.

“Hindi pa naman huli ang lahat o may oras pa para mabilisang maipabatid sa mga OFW kung saang voting precinct sila nakatalagang bumoto,” giit pa ng senadora. (Dang Samson-Garcia)

135

Related posts

Leave a Comment