ORGANIZED SYNDICATE SA TEXT SCAMS TINUTUGIS

TINUTUNTON na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga organisadong sindikato na gumagamit ng pre-registered SIMs para i-scam ang mga tao.

Ito’y sa gitna ng mga tanong kung paano nagpapatuloy ang ganitong pamamaraan.

Nauna nang sinabi ng mga mambabatas sa ahensiya na ipaliwanag ang paglaganap ng text scams sa kabila ng presensiya ng SIM Registration Law.

Para naman kay DICT Secretary Ivan Uy, bumibili ang mga sindikato ng pre-registered SIMs sa halagang P500 bawat isa.

Dahil dito, nagbabala si Uy sa publiko na umiwas o huwag makisali sa pagbebenta ng kanilang SIMs.

“Ang ibang [nagbebenta], nagpaparehistro ng 10 SIM cards sa pangalan nila. Ang hindi siguro nila alam, kapag naghabla tayo dahil ginamit ang mga SIM cards sa panloloko, kasama sila sa habla ng criminal case,” ayon kay Uy.

“Mas mahal pa ang babayaran nila sa abugado kaysa sa kikitain nila sa SIM cards na ‘yan na binebenta nila,” dagdag na wika nito.

Sa ngayon, nakahuli na ang mga awtoridad ng maraming sindikato na sangkot sa ganitong uri ng panloloko.

Sa katunayan, may 6 indibidwal ang nahuli na nag-ooperate ng 25,000 pre-registered SIMs sa Pasay City.

“Sinabi ko na noong nagsi-SIM card registration tayo, na itong mga sindikato ay malaki… at highly-technical,” ayon sa Kalihim.

“Ang estimate ng pulis noong nakumpiska ang SIM cards na may load na e-wallet. Ang estimate nila, aabot ng P1 billion,” dagdag na pahayag nito.

(CHRISTIAN DALE)

310

Related posts

Leave a Comment