OVP SPOKESPERSON SINUPALPAL SA KAMARA

SINUPALPAL ng isang administration congressman ang tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Ruth Castelo matapos nitong sabihin na makatitipid ng milyong piso ang gobyerno kapag inayunan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon na ibasura ang impeachment ng Bise Presidente.

“Siguro kailangan niya ng cost benefit analysis. She can’t be throwing around statements like that. Aralin muna nila maigi. Maganda siguro aralin muna nila yun,” ani La Union Rep. Paolo Ortega V sa press conference kahapon.

Kailangan aniyang maglabas ng matrix si Castelo kung magkano ang matitipid ng gobyerno sakaling hindi matuloy ang impeachment trial at maipakita sa publiko kung saan galing o pinagbasehan nito ang kanyang pahayag.

Hindi aniya pwede na basta-basta na lamang magbabato ng kung ano-ano para lamang sa sound bites subalit hindi kayang magpakita ng basehan.

“If it’s not, if the Supreme Court says it cannot be heard at this time, then we’ll be very lucky actually as a country because we’ll save millions and millions of money on the trial that is technically defective from the beginning,” pahayag ni Castelo na dating Undersecretary ng Department of Trade and Industry (DTI) noong panahon ni pangulong Rodrigo Duterte.

Kinontra rin nito ang pahayag ni Castelo na depektibo ang impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo subalit hindi na ipinagtataka ng mambabatas na sasabihin ito ng dating USec ng DTI dahil kailangan niyang idepensa ang kanyang amo.

Samantala, sinabi naman ni Akbayan party-list Rep, Chel Diokno, walang katumbas na halaga o kabayaran kapag nawala nang tuluyan ang tiwala ng publiko sa gobyerno kapag hindi napanagot ang mga nagkasalang opisyales ng gobyerno.

“Maraming pagkakataon ang ibinigay kay Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang kanyang sarili pagdating sa mga issue ng budget ng OVP, etc., pero hindi niya … she did not take advantage of those opportunities, which left everybody hanging and everybody wondering ano ba talaga ang nangyari,” ani Diokno.

(BERNARD TAGUINOD)

27

Related posts

Leave a Comment