P.5-M ‘UKAY-UKAY’ NAHARANG SA MATNOG, SORSOGON

NASABAT ng pinagsanib na mga tauhan ng Bureau of Customs-Legazpi sa pamamagitan ng kanilang Customs Border Protection Team (CBPT), at ng Phi­lippine Coast Guard-Sorsogon, ang kabuuang 42 bales ng ‘ukay-ukay’ na tinatayang may market value na P500,000, sa magkakahiwalay na pagsasagawa ng paneling ng mga bus at iba pang mga sasakyan sa Matnog, Sorsogon.

Noong Hulyo 8, 2023, 25 bales ng imported used clothing ang unang nasabat. Ito ay hinihinalang ipinagbabawal na items, na patungo sana sa Samar at Leyte.

Samantala, noong Hulyo 10, 2023, 17 bales ng parehong items ang na-turnover sa Bureau of Customs-Legazpi ng PCG-Sorsogon.

Siyam sa mga ito ay nahuli noong Hulyo 8, 2023, na patungo sana sa Davao Oriental, habang ang natitira pang walong bales ay nasabat sa magkakaibang petsa noong Hunyo at Hulyo 2023.

Sa isinagawang inspeksyon, ang mga may-ari nito ay hindi nakapagpresenta ng anomang legal na mga dokumento kaugnay ng kanilang kargamento.

Dahil dito, nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention order laban sa forty-two (42) bundles/bales ng used clothing dahil sa paglabag sa Sections 118 (g) and 1113 (a) ng RA 10863 o mas kilala bilang “Customs Mo­dernization and Tariff Act” na may kaugnayan sa RA 4653 o kilala rin bilang “An Act to Safeguard the Health of the People and Maintain the Dignity of the Nation by Declaring it a National Policy to Prohibit the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known as Used Clothing and Rags”.

Bilang pagkilala sa mahalagang pagsisikap ng mga opisyal at mga empleyado ng PCG-Sorsogon, si District Collector Segundo Sigmundfreud Barte, Jr., ay nag-isyu sa kanila ng Certificates of Commendation.

Kaugnay nito, ang BOC-Legazpi ay nananatili sa pinatatag na mga pagsisikap sa paglaban sa anomang klase ng smuggling, bilang bahagi ng direktiba nina Commissioner Bienvenido Rubio, at Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

(JOEL O. AMONGO)

250

Related posts

Leave a Comment