P1.1 MILYON HALAGA NG PEKENG SIGARILYO, NASABAT SA ZAMBALES

ZAMBALES- Nasabat ng mga tauhan ng Zambales PNP at Department of Trade and Industry (DTI) ang dalawang sasakyan na naglalaman ng mga pekeng sigarilyo sa bayan ng Botolan noong Lunes ng hapon.

Ayon kay Police Major Rolando Ballon, hepe ng Botolan Municipal Police Station, nagsagawa ng buy-bust operation sa kahabaan ng Zambales-Tarlac Road sa Barangay Santiago ang kanyang mga tauhan at ang STG-ICP na pinamumunuan by Plt. Niño Ryan Opinga at ilang kawani ng DTI matapos silang makatanggap ng mga report na mayroong nagaganap na bagsakan ng pekeng sigarilyo sa naturang bayan.

Agad namang naaresto ang apat na suspek na lulan ng puting Mitsubishi FB at isang Gray Mitsubishi Hi Ace Van. Kinilala ang mga ito na sina Marlon Garcia y Tiglao, 42, residente ng Angeles City; Felipe Valdez y Sangil, 39, residente ng San Fernando, Pampanga; Joryson Tawatao y De Dios, 43, at Melody Tawatao y Edquibal, 41, na kapwa mga residente ng Masinloc.

Nakumpiska sa kanilang sasakyan ang labing isang (11) kahon ng Two Moon lights cigarettes na naglalaman ng 50 resma bawat kahon; Anim (6) na kahon Two Moon menthol cigarettes na naglalaman ng limampung (50) resma bawat kahon; Isang (1) kahon ng Mighty menthol cigarettes containing limampung (50) resma; (1) kahon ng Fortune Blue na may limampung (50) resma; Walong (8) kahon ng Fortune Blue na naglalaman ng limampung (50) resma kada kahon; limang (5) resma ng Fortune Blue cigarettes; at Tatlong (3) kahon ng Two Moon lights na naglalaman ng limampung resma kada kahon. Tinatayang nagkakahalaga ng P1,195,400.00 ang mga nasabat na kontrabando.

Nasa kustodiya ng Botolan Police ang apat na suspek na nakatakdang sampahan sa kasong paglabag sa RA 8294 (Intellectual Property Code of the Phils.) sa Provincial Prosecutors Office sa Iba, Zambales. (JAY-CZAR DELA TORRE)

333

Related posts

Leave a Comment