MT. PROVINCE – Aabot sa Php 1.4 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera Autonomous Region at local police sa checkpoint sa Ampawilen, Poblacion, Sadanga.
Ayon kay PDEA Spokesman, Director Derrick Carreon, sa operasyon ay nasakote ang tatlong kalalakihan na kinilalang sina Jeffrey Mateo De Guzman, Jerry Salonga, at Allandrix Eligio, pawang taga-Cabanatuan City.
Nagpanggap umanong mga turista ang tatlo sa kabila ng umiiral na pandemya kaya nasita ang mga ito.
Sa ulat kay PDEA Director General Wilkins Villanueva ni PDEA-CAR Regional Director, Dir III Gil Cesario Castro, na-recover sa tatlong suspek ang may Php 1,440,000.00 halaga ng marijuana bricks at tubular na lulan ng nasabat na Nissan Urvan. (JESSE KABEL)
