DAPAT nang paspasan ng gobyerno ang pagpasok sa kaban ng bayan ng malaking kinikita mula sa electronic – sabong (e-sabong).
Pumapalo sa P1.5 bilyon kada araw ang kita sa e-sabong, ngunit sayang ito kung napupunta lang sa iilang bulsa.
Hindi lingid sa kaalaman natin na pinagkakaabalahan ng mga “lord” sa sugal ngayong matindi ang pandemya ng COVID-19 sa bansa ang e – sabong.
Kung ang mga ordinaryong manggagawa ay problemado sa kita dahil sa COVID-19, iba ang mga taong nasa likod ng e-sabong na nagkakamal ng bilyun-bilyong pera.
Ika nga nila, tuloy ang kita, tuloy ang ligaya kahit may COVID-19.
Ang gamit lang ay celphone, laptop at iba pang gadget na may internet connection, solve na ang kitaan sa e – sabong.
Dumagsa sa Facebook ang pag-rerecruit ng mga ahente ng e – sabong.
Matindi pala ang e – sabong dahil umaabot ito sa 12 fights kada oras na P60 milyon ang kita.
Ito ay tumatakbo ng sampung oras kada araw bawat isang operator na P600 milyong gross income ang nakakabig niya.
Alang kahirap-hirap ang mga gambling lord sa e – sabong dahil mas matipid pa kaysa sa jueteng.
Hindi na kailangan ng kubrador sa e – sabong.
G-cash lang ang katapat, ligtas pa sila sa hawaan sa COVID-19.
Siyempre, kung ano ang kalakaran sa jueteng, ganu’n din sa e – sabong.
Mayroon ding parte ang ilang opisyal sa mga pamahalaang lokal at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ika nga nila, “spread the sunshine”.
Sa limang kumpanya ng e – sabong, dalawa ang lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kaya, wasto lang na siguraduhin ng PAGCOR, sa pamumuno ni Andrea Domingo, na hindi maloloko ng e – sabong operators ang gobyerno.
Dalawa sa limang kumpanya ay ang pag-aari ni Charlie “Atong” Ang na Lucky 8 Star Quest Inc. na operator ng Pitmaster Live Games at ang pag-aari ni Bong Pineda na Belvedere Vista Corporation na ang pangalan ng e – sabong ay “Sabong Express” sa Pampanga.
Iba talaga ang lakas ng dalawang gambling lord na ito kapag sugal ang pinag-uusapan.
Sila palagi ang nasa priority list ng gobyerno.
Sabi tuloy ng ating taga-subaybay, hindi lang tubong lugaw ang kita ng dalawa, kundi tubong sugal kasi kumita na sila sa ilegal at kikita pa sa legal na e – sabong.
Kayo na ang maging lord, ‘di ba? Ganoon sila kalakas.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com, o kaya magtext sa 0919-259-5907.
153
