P1.6-B SHABU NASABAT SA 2 CHINESE

NUEVA ECIJA – Arestado ang dalawang Chinese national sa Cabanatuan City sa lalawigang ito noong Biyernes makaraang matunton na ang mga ito ang importer ng P1.6 bilyong halaga ng umano’y shabu na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Wilkins Villanueva, natunugan ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagpuslit ng ilegal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nabatid na tinimbrehan ng BOC ang PDEA hinggil sa kahinahinalang kontrabando na dumating sa paliparan noong Oktubre 24 na idineklara umanong “work bench tables” galing Selangor, Malaysia.

Ayon kay Villanueva, nang isalang ang mga naturang cargo sa x-ray scanning at physical examination ng paliparan, nakita ng mga awtoridad na shabu ang laman ng mga ito.

Sa impormasyong ibinahagi ni PDEA Spokesman Derrick Carreon, may kabuuang bigat na 240 kilos at street value na mahigit P1.6 bilyon ang nasabat na droga.

Ang dalawang Chinese ay inaresto sa Cabanatuan City sa pamamagitan ng ikinasang joint-controlled delivery operation ng BOC-NAIA, PDEA, at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG).

Ikinasa agad ang operasyon ng BOC-NAIA, PDEA 3 at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) makaraang matunton ang nakalagay na address sa package na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Jayson Tan at James Ong.

Nai-turn over na ang mga droga sa PDEA para sa imbestigasyon at case build-up laban sa mga importer at iba pang sangkot sa malakihang illegal drug transaction.

Ngayong taon lang, nasa 42 shipments ng illegal drugs ang na-intercept ng BOC-NAIA sa tulong ng PDEA at NAIA-IADITG. (JESSE KABEL)

198

Related posts

Leave a Comment